Hinarap ng siyam na senatorial candidates ang buong bayan noong Linggo ng gabi (Abril 28) sa pangalawa at huling "Harapan 2013: The Senatorial Debate" ng ABS-CBN na ginanap sa La Consolacion College sa Maynila. Nagdebate sina Samson Alcantara, Rep. Sonny Angara, Greco Belgica, Baldomero Falcone, Richard Gordon, Ricardo Penson, Grace Poe-Llamanzares, Christian Seneres, at Bro. Eddie Villanueva at ipinahayag ang kanilang opinyon sa sari-saring isyu at usaping batas. Sa paspasan rounds, inilahad ng mga kandidato ang kanilang magkakaibang saloobin sa pagtatanggal ng pork barrel, ang pagbabalik ng parusang kamatayan sa bansa, kung sino ang susuportahan nila sa pagka-pangulo sa halalan sa 2016, at kung sinong superhero ang gusto nilang tularan. Samantala, inisa-isa naman ng moderator na si Ted Failon ang mga kandidato mula sa Team PNoy at United Nationalist Alliance na hindi sumali sa debate noong Linggo at noong nakaraang Linggo (Abril 21) na nagbigay ng iba't ibang dahilan sa kanilang hindi pagdalo. Sila ay sina Nancy Binay, Sen. Alan Peter Cayetano, Tingting Cojuangco, Rep. Jack Enrile, Sen. Francis Escudero, JV Ejercito Estrada, Sen. Gringo Honasan, Sen. Loren Legarda, Jamby Madrigal, Sen. Antonio Trillanes IV, Cynthia Villar, at Miguel Zubiri. Ang "HARAPAN 2013" ay bahagi ng "Halalan 2013," ang election coverage ng ABS-CBN na naglalayong mapalawak ang kaalaman ng mga Pilipino bago ang paparating na botohan sa Mayo. Layunin ng "Halalan 2013" na tulungan at bigyan ng sapat na kaalaman ang mga Pilipino nang makapamili sila ng mga karapat-dapat na lider upang makamit ang pagbabagong nais nilang mangyari sa bansa. Para sa updates, sundan ang @ABSCBN_Halalan sa Twitter o i-like halalan2013.abs-cbnnews.com.
No comments:
Post a Comment