Sa gitna ng napakalaking pinsalang iniwan ng bagyong Pablo sa Mindanao
noong Disyembre, umusbong ang katapangan at kabutihan ng ilan sa ating
mga kababayan kabilang na ang mga public service officer at
mamamahayag ng ABS-CBN Regional Network Group.
Isa si Adroel Alcober, ang head ng ABS-CBN Public Service for
Mindanao, sa mga pinakaunang bumisita at namahagi ng tulong sa mga
nasawi sa pinakamalalayong lugar. Excited sanang umuwi sa Tacloban,
Leyte si Adroel para makasama ang pamilya sa Pasko at dumalo sa
college reunion niya, ngunit minabuti niyang mamalagi sa Davao upang
tulungan ang mga apektadong komunidad.
Sa kabila ng kawalan ng signal at kuryente, tumungo si Alcober, ang
cameraman na si Erwin Mariño, volunteers mula sa Matina Pangi Royal
Blood Rescue Group, kasama ang public service officer mula sa Manila
na si Butch Sayong at cameraman na si Allan Zulueta upang mamahagi ng
dalang relief goods sa unang araw matapos ang paghampas ng bagyong
Pablo sa Banganga, Davao Oriental.
Ilang araw naman makalipas noon, tumambad din sa kanya ang
kalunos-lunos na inabot ng Boston at Cateel sa Davao Oriental, at New
Bataan at Monkayo sa Compostela Valley. Sa mga unang araw ng kanilang
misyon, hindi ma-contact ni Alcober ang pamilya niya at halos ilang
araw rin siyang walang sapat na tulog.
"Hindi kami kumain noong araw na 'yon. Wala kaming ganang kumain, lalo
na't alam namin ang kalagayan ng mga tao. Ang nasa isip lang namin,
makaabot sa mas maraming tao ang impormasyon tungkol dito para dumagsa
ang tulong," ani Alcober.
Diskarte naman ang puhunan ng mga ABS-CBN Davao reporter sa kanilang
pagkalap at paghatid ng balita, ayon sa head ng ABS-CBN News Davao na
si Michelle Robin-Bacsal.
"Lumabas ang talino at creativity ng mga reporter para maipadala agad
ang material nila sa lalong madaling panahon. Hindi na rin sila
naghintay ng utos mula sa boss nila kung anong gagawin. Sariling
diskarte," dagdag niya.
Ani Robin, kahit daw sanay na ang Davao news team sa pagkober ng mga
landslide, hindi pa rin naging madali para sa kanila ang pag-uulat ng
bagyong Pablo.
"Ito ang unang beses na nag-cover kami ng bagyo. Mahirap kasi
magkakalayo ang areas na inabot ng coverage namin, ang lalayo pa ng
iba. Dati, kung may landslide sa Mt. Diwalwal, doon lang ang focus ng
coverage," pagbabahagi niya.
Dagdag pa niya, "Kahit na handa silang mag-report, nangibabaw pa rin
sa kanila ang pagiging tao kesa sa pagiging reporter. Sa tingin ko,
tinamaan talaga sila nung nagpatung-patong na at nilalatag na ang mga
katawan. Hindi namin inaasahang mangyayari 'yun, pero nangyari,"
aniya.
Kinailangan ding harapin ng ABS-CBN Davao reporters ang pagsubok ng
pagkasira ng mga building sa mga apektadong lugar. "Dahil walang
maayos na buildings kung saan pwede silang manatili, kailangan nila
magsiksikan sa loob ng crew cab. Meron silang tent pero umuulan
gabi-gabi kaya nababasa sila. Halos walang tulog ang crew sa panahong
iyon," kwento ni Robin.
Sa loob ng halos isang buwan na coverage, naging kasama na rin ng
reporters ang mga pamilyang nasalanta sa tuwing sila ay nagre-report.
Pinagbawalan ni Robin na kumain ng masasarap na pagkain ang mga
reporter sa harap ng mga biktima. Nagdadala rin sila ng relief goods
sa tuwing ipinapadala sila sa mga nasalantang lugar, at relief goods
din ang kinakain nila noon kung kailangan. Doon na rin sila nagdiwang
ng Pasko at Bagong Taon.
Diniin pa ni Alcober na kahit pa naging mahirap ang pagdayo sa ilang
malalayong lugar, siniguro nilang tumungo sa mga lugar na ito para
maiabot ang relief goods at donasyon na ipinagkatiwala ng mga nagbigay
nito.
Pinuri ng ABS-CBN RNG head na si Jerry Bennett ang mga reporter at
public service officer para sa kanilang paglilingkod sa na aniya'y ang
tunay na diwa ng "Kapamilya."
"Tungkulin ng ABS-CBN na mag-abot ng tulong kahit sa mga napakalayong
lugar sa bansa at paglingkuran ang mga Pilipino sa oras ng trahedya at
pangangailangan," he said.
Sa ngayon, aktibo ang ABS-CBN Sagip Kapamilya sa rehabilitasyon ng mga
apektadong komunidad, sa pagsasagawa ng trauma counseling, sa patuloy
na pamamahagi ng relief goods, sa pagbibigay ng school supplies sa mga
bata, at sa pag-aayos ng mga nasirang eskwelahan.
No comments:
Post a Comment