Thursday, April 4, 2013

MGA KANDIDATA NG BINIBINING PILIPINAS 2013, KILALANIN NGAYONG LINGGO

Ihahatid ng mga beauty queen na sina Venus Raj, Shamcey Supsup at Janine Tugonon ang primer ng Binibining Pilipinas 2013 na pinamagatang "The Golden Road to the Crown" sa Sunday's Best ng ABS-CBN ngayong Linggo (Abril 7) upang mas makilala pa ng publiko niyo ang 50 naggagandahang kandidata.

Ipapakita ng mga kandidata ang kanilang kakaibang personalidad at ilalahad ang kani-kanilang pakikipagsapalaran sa buhay. Ibabahagi rin sa "The Golden Road to the Crown" ang pinagdaanan nilang trainings, workshops at iba pang gawain na lalo pang humubog sa kanilang mga kakayahan. Ilan lamang sa mga nagsilbing mentors nila ang ramp diva at 1992 Binibining Pilipinas-Maja International na si Marina Benipayo na binigyan sila ng personality development training, at ang premyadong mamamahayag na si Korina Sanchez na nagbigay naman sa kanila ng tips upang maging mahusay sa question-and-answer portion.

Silipin din ang ginanap na "The Queens' Exclusive Reunion Party" kung saan muling nagtipon-tipon ang mga dati at kasalukuyang titleholder sa pangunguna ng Binibining Pilipinas Charities Inc. (BPCI) at ang Chairperson nitong si Madame Stella Marquez Araneta bilang bahagi ng kanilang selebrasyon ng ika-50 taon ng Binibining Pilipinas.

Buong-pusong binuksan ni Madame Araneta, na kilala rin bilang Miss International 1960, ang kanyang tahanan sa Bahay na Puti, Quezon City at sinalubong ang kapwa beauty queens na dumalo sa naturang tea party.

Ilan lamang sa mga dumalo sina Ms. Gloria Diaz, Miss Universe 1969; Ms. Aurora Pijuan, Miss International 1970; Ms. Ruffa Gutierrez, Miss World 1993 2nd Princess; Ms. Miriam Quiambao, Miss Universe 1999 1st Runner Up; Ms. Precious Lara Quigaman, Miss International 2005; Ms. Venus Raj, Miss Universe 2010 4th Runner Up; at Ms. Shamcey Supsup, Miss Universe 2011 3rd Runner Up.

Dumalo rin sa reunion ang kasalukuyang Miss Universe 2012 1st Runner Up titleholder na si Janine Mari Tugonon; Nicole Schmitz, Miss International 2012 Semifinalist; Katrina Jayne Dimaranan, Binibining Pilipinas-Tourism 2012; Elaine Kay Moll, Miss Supranational 2012 3rd Runner Up; at Annalie Forbes, BinibiningPilipinas 2012 2nd Runner Up.

Gaganapin naman ang maningning na grand coronation night ng Binibining Pilipinas sa Abril 14 sa Smart Araneta Coliseum at mapapanood nang live sa ABS-CBN, 9:45 ng gabi pagkatapos ng "Gandang Gabi Vice."

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...