Matapos patawanin ang milyun-milyong Pilipino sa pamamagitan ng mga gag shows nito sa nakalipas na dalawang dekada, maghahain ng bagong pakulo ang TV5 ngayong summer—ang Tropang Kulit. Ito ang pinakabagong gag-variety show para sa buong pamilya kung saan tampok ang Artista Academy Kids at host na si Gelli de Belen. Magsisimula na ng isang oras na katatawanan sa Mayo 11 (Sabado), 7PM.
Maaalalang ang Channel 5 (dating ABC-5) ang nagpasimuno ng mga nakakaaliw na palabas noong '90s gaya ng Tropang Trumpo, Wow Mali, Ogags at Ispup. Mabenta rin sa mga manonood ang kwelang gag show na LokomokoU tuwing Linggo. At dahil nakilala ang Channel 5 sa mga ganitong format, hindi malayong maging patok ang Tropang Kulit kasama ang mga pinakabagong mukha tuwing Sabado ng gabi, ang Top 11 kids ng Artista Academy (may edad na 5 hanggang 10) na napili mula sa higit na 3,000 na nag-audition—kabilang sina Ixle Kyle Banzon (9), Julie Charlotte Cadeville (5), Peter Angelo Echaluce (7), Josh Clement Eugenio (8), Jonicka Cyleen Movido (5), Mariella Frances Grace Ortiz (7), Chloe Dominique Reyes (12), John Carlo Tan (8), ang magkakapatid na Jason (11), Jhiani (9), at Jhurel Zimmerman (5).
Pagmamalaki naman ni Gelli, walang tulak-kabigin ang mga nasalang kabataan dahil sa brilyo at talent ng mga ito. Hindi naman daw mag-dadalawang-isip ang dating mainstay at original cast member ng Tropang Trumpo na ibahagi sa mga bata ang husay niya sa comedic timing kung kinakailangan.
Habang halos lahat ay may angking husay sa pagkanta, pagsayaw at pag-arte, may ilan din na nagtataglay ng ibang abilidad tulad ng walong taong gulang na si Josh Clement Eugenio na marunong tumugtog ng violin at gitara. Minsan din ay nagmomodel si Josh. Posible rin maging susunod na child wonder si Jonicka Cyleen Movido, limang taong gulang, na marunong mag-rap at umarte. Makakasama ng Top 11 kids ang 24 pang chikiting na magdadagdag ng kakulitan sa programa.
Ilan sa mga aabangang segment sa Tropang Kulit ang Peace to Peace, Kidliit, e.Byahe, Tanongers Sagoters, Itanong kay Butch, Idolo ko Sikat, Instacook, Ano 'Toh?, Payong Maliit at Detective Ed.
Huwag palalampasin ang bagong kahuhumalingan ng buong pamilya, ang Tropang Kulit, tuwing Sabado ng gabi simula Mayo 11, alas-7 sa TV5.
No comments:
Post a Comment