Monday, April 29, 2013

ABS-CBN HUMAKOT NG 32 GOLDEN DOVES

Namayagpag muli ang ABS-CBN sa ika-21 na Golden Dove Awards ng Kapisanan ng Broadkaster ng Pilipinas (KBP) kamakailan matapos itong humakot ng 32 tropeo kabilang ang Best TV Station award, habang ipinagkaloob naman ang pinakamataas na parangal sa presidente at CEO ng network na si Charo Santos-Concio na binigyan ng KBP Lifetime Achievement Award, at ang batikang mamamahayag na si Ted Failon na pinarangalan naman bilang Ka Doroy Broadcaster of the Year.

Iginagawad ang KBP Lifetime Achievement Award kay Concio bilang pagkilala sa kanyang naiambag sa larangan ng broadcast journalism at sa kanyang pagpapamalas ng natatanging husay sa kanyang propesyon.

"Nakakataba ng puso na mapasali sa listahan ng KBP Lifetime Achievement Awardees. Nais kong pasalamatan si Gabby Lopez at ang masisipag na empleyado ng ABS-CBN. Ang nais ko lang naman ay sundan ang yapak ng aking ama bilang isang mahusay na tagapagsalaysay at sa pamamagitan ng aking trabaho ay naisasakatuparan ko ito," pahayag ni Santos-Concio.

Pinili namang pagkalooban ng Ka Doroy Broadcaster of the Year Award si Ted Failon para sa kanyang husay sa kanyang larangan at sa pagiging isang huwaran. Ang nasabing parangal ay ipinangalan kay Tedoro Valencia na isa sa mga nauna at respetadong lider ng KBP noong dekada '60.

Wagi ng mga parangal ang mga news and current affairs program ng ABS-CBN tulad ng "TV Patrol" na kinilalang Best TV Newscast Program, ang  "Patrol ng Pilipino" bilang Best TV Public Affairs Program para sa episode na "Sa Ilalim ng Tulay: Hagupit ng Habagat," ang "Sports Unlimited" bilang Best TV Sports Program,ang "Rated K" bilang Best Magazine Program, ang "San Pedro Calungsod" bialng Best Documentary Program.

Kinilala rin ang husay ni Korina Sanchez bilang anchor nang pinarangalan itong Best TV Magazine Program Host para sa "Rated K." Gayundin si Bernadette Sembrano ng "Salamat Dok" na nasungkit naman ang Best TV Public Service Host award, habang panalo naman si Anthony Taberna bilang Best TV Public Affairs Program Host.

Bumida rin ang husay ng Kapamilya entertainment shows sa gabi ng parangal. Kabilang diyan ang "Maalaala Mo Kaya," na inuwi ang Best TV Drama Program para sa kontrobersyal nitong episode na "Pulang Laso," na tungkol sa buhay ng dalawang lalaking magkarelasyon kung saan ang isa sa sa kanila ay lumalaban sa sakit ng HIV AIDS. Ginampanan ito nina Carlo Aquino at Joem Bascon.

Best Comedy Program naman ang sitcom na "Toda Max" habang wagi bilang Best TV Children's Program ang "Wansapanataym." Kinalala naman bilang Best Musical Variety Program ang weekly concert program ni Sarah Geronimo na "Sarah G. Live."

Para naman sa natatanging pagganap ni Gerald Anderson sa "Budoy" kung kaya't pinarangalan itong Best Actor, habang wagi naman bilang Best Actress si Janice De Belen para sa karakter nito sa teleseryeng "Ina Kapatid Anak."

Kinilala rin ang Christmas Station ID ng ABS-CBN na pinamagatang "Lumiliwanag Ang Mundo sa Kwento ng Pasko" bilang Best TV Station Promotional Materials, samantalang Best TV Public Service Announcement naman ang "Choose Philippines Penumbra."

Bukod sa telebisyon ay namayagpag din ang AM radio station ng ABS-CBN na DZMM sa naturang awards night nang tanghalin itong Best AM Radio Station. Humakot din ng mga parangal ang ilang programa ng DZMM kabilang na ang Best Radio Newscast Program para sa "Radyo Patrol Balita Alas-Siyete," Best Radio Public Affairs Program para sa "Failon Ngayon sa DZMM," at Best Radio Sports Program para sa "Sports Talk."

Si Julius Babao naman ang kinilala bilang Best Radio Newscaster para sa programang "Radyo Patrol Balita Alas-Dose." Ilan pa sa mga pinarangalang anchors sina Karen Davila bilang Best Radio Public Affairs Program Host para sa "Pasada 630," Winnie Cordero bilang Best Radio Magazine Host para sa "Todo-Todo Walang Preno," at Ka Louie Tabing bilang Best Radio Science and Technology Program Journalist para sa "Sa Kabukiran."

Hindi rin nagpahuli ang ABS-CBN Cagayan de Oro na itinanghal na Best Provincial TV Station. Bukod dito, bumida pa ang ABS-CBN Regional Network Group nang iuwi nito ang Best Provincial TV Newscast Program para sa "TV Patrol Central Mindanao" ng ABS-CBN Cagayan De Oro, Best Public Affairs Provincial Program para sa "T.K.O" ng ABS-CBN Cagayan De Oro, Best TV Special Program para sa  "SILIB: Balangay Festival Special Edition" ng ABS-CBN Butuan, at Best Culture and Arts Program para sa "Mag-TV na, Atin Ito!" ng ABS-CBN Baguio.

 

Ang Golden Dove Awards ay taunang inoorganisa ng KBP, ang samahan na binubuo ng iba't-ibang broadcast media organization sa bansa kung saan ang mga nagwawagi ay pinipili sa pamamagitan ng jurors na kinakatawan ang kabataan, mga eskwelahan, religious groups, advertising industry, at gobyerno.

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...