Saturday, February 9, 2013

JR, ITINANGHAL NA KAUNA-UNAHANG PINOY MASTERCHEF

Pinangalanang kauna-unahang Pinoy MasterChef ang band vocalist na si JR Royol sa "MasterChef Pinoy Edition: The Live Cook-off" noong Sabado (Pebrero 9) matapos mamangha ang mga hurado sa kanyang inahandang kakaibang "bigorot" dish.


Nanaig ang husay ni JR laban sa mga kalabang sina Carla Mercaida, Ivory Yat, at Myra Santos upang manalo ng P1 milyonkitchen showcase, at Diploma Program for Professional Culinary Arts scholarship sa Center for Asian Culinary Studies.


Inihanda ng Rakistang Kusinero ng Benguet ang kanyang winning dish na "bigorot," kumbinasyon ng Bicolano at Igorot, upang bigyang pugay ang kanyang mga magulang at ang kanyang lupang kinalakihan, ang Cordillera region kung saan kinuha ang organic ingredients ng kanyang putahe. Nakakuha ito ng average score na 96 points sa live cooking challenge mula sa host na si Judy Ann Santos-Agoncillo, sa chef judges na sina Chef Ferns, Chef Lau, Chef Jayps, at celebrity guests na sina Kris Aquino at Richard Gomez.


Talagang pinabilib ng "bigorot" ang mga hurado kaya't nakakuha ito ng iskor na 97 mula kay Richard at 99 mula kay Kris, na sinabing perfect ang putahe, "Nakaka-in love kang magluto," ani Kris.


Ang Negosyanteng Kusinera ng Bulacan na si Carla naman ang itinanghal na second placer para sa kanyang adobong tuna at kaning dilaw na nakakuha ng average score na 93.9 points. Hindi naman nalalayo si Ivory, ang Kusina Fashionista ng Quezon City na nagluto ng palabok finale na nagkamit ng 93 points.


Bigo namang makalahok si Myra sa live cook-off dahil siya ang nakakuha ng pinakamababang score sa naunang mga challenge at agad na hinirang na fourth placer.


Nakatanggap naman si Carla ng P500,000, si Ivory ng P300,000, at si Myra ng P200,000. Pare-pareho rin silang nagwagi ng kitchen package at scholarship sa Center for Asian Culinary Studies.


Bago pa man ang live cook-off na nagpanalo sa Pinoy MasterChef na si JR, nanguna na siya sa unang dalawang challenges kung saan kinopya nila ang signature dishes ng isa't isa at naghanda ng putahe gamit ang gata bilang ang pangunahing ingredient.


No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...