Thursday, February 7, 2013

“FAILON NGAYON,” FINALIST SA 2013 NEW YORK FESTIVALS

Kinilala ang investigative program ng ABS-CBN na "Failon Ngayon," sa pangunguna ng anchor na si Ted Failon, bilang opisyal na finalist sa Current Affairs category ng prestihiyosong New York Festivals sa taong ito para sa episode nito na tumalakay sa matinding pinsalang dulot ng mga abandonadong minahan sa buong Pilipinas.

Ang "Failon Ngayon" ay isa lamang sa apat na programa ng ABS-CBN News and Current Affairs na nakakuha ng nominasyon sa prestihiyosong New York Festivals kumpara sa kalabang GMA News TV na nakakuha lang ng dalawa. Pinamagatang "Mine Tailings," ang naturang episode ng programa ay hindi lang bumusisi sa insidente ng pagtagas ng latak ng minahan sa Padcal, Itogon, Benguet, kung hindi ipinaliwanag din sa publiko ang kaakibat na pinsalang dulot nito sa kalikasan at mga apektadong residente.

Patotoo ang nominasyong ito na world-class ang "Failon Ngayon" dahil ang New York Festival's World's Best Television & Films ay nagbibigay pugay sa mga de-kalidad na programa mula sa mahigit 50 iba't ibang bansa.

Ngayong Sabado (Feb 9), bubusisiin ni Ted kung ano na ba ang nangyari sa mga dating kaso ng iba't-ibang notoryus na gang sa bansa na paulit-ulit na lang sa kanilang pambi-biktima.

Ilan sa mga ito ay ang Waray-waray Gang, isang kidnap for ransom group na kinabibilangan ng mga Waray, at ang Acetylene Gang na nambibiktima ng mga sanglaan at binubutasan ang mga safety vaults nito gamit ang acetylene torch.

Nito lang nakaraang January 26, umatake rin ang tinatawag na Martilyo Gang sa isang sanglaan sa San Roque, Cavite at tumangay ng malaking halaga ng mga alahas. Gamit ang kanilang mga martilyo, binasag ng mga armadong kriminal ang mga lagayan ng alahas at nagpaputok pa upang takutin ang mga nasa paligid.

Paano nga ba pinapangalanan ang mga grupo na ito? Tama ba ang mga criminal profiling na ginagawa ng mga pulis para makatulong sa paghuli sa masasamang loob na ito? Gayong kilala ng mga pulis ang mga gang na ito, at kilala rin nila maging ang mga miyembro, bakit hindi pa rin sila nahuhuli?

Sa isyu ng paulit-ulit na pambibiktima ng iba't ibang gang, lahat tayo may pakialam kaya panoorin ang "Failon Ngayon" ngayong Sabado (Feb 9), 4:45 PM sa ABS-CBN. May replay din ito sa ANC tuwing Linggo, 2 PM. Mag-kumento at ipahayag ang inyong saloobin sa official page ng programa sa http://www.facebook.com/failon.ngayon at i-follow ito sa Twitter sa http://www.twitter.com/Failon_Ngayon. I-tweet ang inyong mga opinyon gamit ang hashtag na #FNgang

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...