Wednesday, February 6, 2013

GERALD, MAGPAPALUHA NG "MMK" VIEWERS NGAYONG SABADO

Bibida ang Kapamilya drama prince na si Gerald Anderson sa upcoming episode ng "Maalaala Mo Kaya" ngayong Sabado (Pebrero 9) na magbabahagi ng kwento ng isang matatag na pamilyang dumaan sa matitinding pagsubok. Bibigyang buhay ni Gerald ang karakter ng ikatlong anak ng yumaong dating Senador Rene Cayetano (gagampanan ni Tommy Abuel) na si Alan Peter. Dahil sa palagiang suporta ng kanilang ama, halos simple lamang ang buhay ng magkakapatid na Cayetano. Ngunit sa isang iglap, nabago ang lahat nang ma-diagnose na may stomach cancer ang kanilang ama. Paano naging lakas ng magkakapatid na Cayetano ang pagkakasakit ng kanilang ama? Paano nila napanatiling matibay ang relasyon ng kanilang pamilya sa kabila ng pagkawala ng haligi ng kanilang tahanan? Bukod kina Gerald at Tommy, bahagi rin ng "MMK" episode ngayong Sabado sina Jackie Lou Blanco, Justin Gonzales, Carla Guevarra, Sam Concepcion, Pica Lozano, Empress Schuck, at Eslove Briones. Ito ay sa ilalim ng pananaliksik ni Alexandra Mae Martin, panulat nina Mark Duane Angos at Arah Jell Badayos, at direksyon ni Nuel C. Naval. Huwag palampasin ang isa namang de-kalibreng family drama episode ng "MMK" ngayong Sabado, pagkatapos ng "Wansapanataym," sa ABS-CBN. Para sa iba pang updates, mag log on sa www.mmk.abs-cbn.com, sundan ang @MMKOfficial sa Twitter, at i-"like" ang www.facebook.com/MMKOfficial.

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...