Tuesday, November 5, 2013

ANGEL AT MAJA TINANGHAL NA ‘PINAKAMAGANDA’ SA ‘PINAS

Nanguna ang leading ladies ng upcoming primetime teleserye ng ABS-CBN
"The Legal Wife" na sina Angel Locsin at Maja Salvador sa listahan ng
"100 Most Beautiful Women in the Philippines for 2013," ang online
poll ng sikat na entertainment blog na Starmometer na nilahukan ng
libu-libong fans sa Twitter at Facebook.

Nasungkit ni Angel ang titulong "Most Beautiful Pinay" at tinalo ang
iba pang 99 Filipina celebrities sa nakalap niyang kabuuang boto na
1,631,590. Iniluklok naman ng netizens sa ikatlong pwesto si Maja na
may 544,598 na boto. Nanguna rin si Angel sa taunang 'Most Beautiful'
online poll noong 2006, 2007, 2008, 2009 at 2010.

Muling nagreyna ang ABS-CBN sa resulta ng online poll ngayong taon
dahil siyam na pwesto ang sinakop ng Kapamilya stars sa top 10 list.
Pasok sa listahan sina Sarah Geronimo sa no. 2, Karylle sa no. 4, Kim
Chiu sa no. 6, na sinundan nina Bea Alonzo, Anne Curtis, Jewel Mische
at Jessy Mendiola.

Samantala, ibinahagi kamakailan ng creative team ng "The Legal Wife"
sa pangunguna nina Malou Santos at Des Tanwangco, ang matapang at
makatotohanang kwentong ilalahad ng pinakabagong family drama series
ng Kapamilya network.

"Ang 'The Legal Wife' ay kwentong pampamilya na iinog sa mga
pinagdaraanan ng karakter ni Angel na si Monica. Hindi lamang ito
tungkol sa mga totoong pinagdaraanan ng isang legal wife kundi maging
ang iniisip at nararamdaman niya bilang isang anak, kapatid, ina,
career woman, at kaibigan," pahayag ng creative manager na si Henry
King Quitain tungkol sa kanilang serye na pagbibidahan nina Angel,
Maja, Jericho Rosales at JC de Vera.

"Dapat ring abangan ng mga manonood ang big twist sa istorya, kung
paano mabubuo ang 'love quadrangle' sa pagitan ng mga karakter, at
kung bakit 'The Legal Wife' ang titulo ng programa" dagdag ni Henry.

Bahagi ng patuloy na selebrasyon ng ika-60 taon ng telebisyon sa
Pilipinas, ang "The Legal Wife" ay ang pinakabagong family drama ng
ABS-CBN ay obrang pantelebisyon ng award-winning directors na sina
Rory Quintos at Dado Lumibao. Sa kwento, gagampanan ni Jericho ang
role ni Adrian, ang asawa ni Monica; JC bilang si Max, ang katrabaho
ni Monica; samantalang bibigyang-buhay ni Maja ang karakter ni Nicole,
ang bestfriend ni Monica na kalauna'y magiging 'lover' ni Adrian.

Abangan ang nalalapit nang pagpapalabas ng "The Legal Wife" sa ABS-CBN
Primetime Bida. Para sa karagdagang impormasyon, mag-log on lamang sa
ABS-CBN.com o sundan ang @abscbndotcom sa Twitter.

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...