Sunday, March 17, 2013

SARAH AT JOHN LLOYD, MAY SPECIAL REUNION SA "IT TAKES A MAN AND A WOMAN"

Tuloy na tuloy na sa March 30 (Sabado) ang big screen reunion ng box-office royalties na sina Sarah Geronimo at John Lloyd Cruz sa third installment ng hit romantic-comedy movie series nilang "It Takes A Man And A Woman." 

Sa ilalim ng direksyon ni Cathy Garcia-Molina, na siya ring nagdirek ng unang dalawang pelikula ng franchise, tampok sa "It Takes A Man And A Woman" ang muling pagkukrus ng landas nina Laida Magtalas (Sarah) at Miggy Montenegro (John Lloyd), apat na taon matapos nilang tapusin ang kanilang relasyon.

Mula sa 'a very special love' na kapwa nagdulot ng big 'change' sa buhay nila, mistulang mababago ang lahat para kina Laida at Miggy dahil sa muli nilang pagkikita sa kumpanya kung saan umusbong ang kanilang pag-iibigan ay hindi na sila tulad ng dati--ang simple at masunurin na executive assistant noon ay isang agresibo at career-oriented na Laida na ngayon, samantalang ang pilyong bachelor noon ay ang Miggy na nasa isang bagong yugto ng kanyang buhay. 

Ayon sa actor-director na si Rowell Santiago, na isa sa well-loved characters ng "A Very Special Love" at "You Changed My Life" kung saan gumanap siya bilang kuya ni Miggy na si Art Montenegro, hindi lang ang buong sambayanan ang excited sa pagpapalabas ng "It Takes A Man And A Woman" kundi maging ang buong cast ng kanilang pelikula. 

"Hindi namin talaga inasahan na manganganak at manganganak 'yung kwento. At ngayon, after four years since ipinalabas 'yung part 2, siguradong mas nananabik ang lahat sa kung anong pupuntahan ng buhay pag-ibig nina Laida at Miiggy. Kaya kahit kami, nae-excite na. Magandang regalo itong part 3 sa lahat ng mga sumubaybay sa kanila," pahayag ni Rowell. 

Aminado si Rowell na matindi ang paghanga niya sa lakas ng hatak sa moviegoers ng love story nina Laida at Miggy. "Ang nakakatuwa, hindi naman loveteam sila Sarah at John Lloyd at hindi rin naman sila real sweethearts, pero kinapitan sila ng tao dahil nagustuhan at nakarelate sila sa characters nina Laida at Miggy at kung saan patutungo ang love story nila Hindi na nila nakita sina John Lloyd at Sarah," paliwanag ni Rowell. 

Sa muling pagsasama nina Laida at Miggy sa trabaho, muli rin kayang magbalik ang tindi ng pag-ibig nila para sa isa't isa? Ano nga bang naging ugat ng paghihiwalay ng mag-bebe na inakala nang lahat ay patungo na sa happy ever after? 

Ang "It Takes A Man And A Woman" ang third installment ng patok na film series na handog ng Star Cinema at Viva Films na itinuturing na most successful Filipino franchise of its time.

Bukod kina Sarah, John Lloyd at Rowell, bahagi rin ng "It Takes A Man And A Woman" sina Joross Gamboa, Gio Alvarez, Matet De Leon, Al Tantay, Irma Adlawan, Guji Lorenzana, at Dante Rivero. Introducing sa pelikula ang model-host na si Isabelle Daza na gaganap bilang si Belle, ang bagong girlfriend ni Miggy. 

Muling kiligin, humalakhak at umibig kasama sina Laida at Miggy sa "It Takes A Man And A Woman" na ipalalabas na sa mga sinehan nationwide sa March 30, 2013. 

Para sa karagdagang impormasyon at pinakabagong updates tungkol sa "It Takes A Man And A Woman," bisitahin lamang ang www.StarCinema.com.ph,http://facebook.com/StarCinema at http://twitter.com/StarCinema.

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...