Friday, March 1, 2013

KC CONCEPCION AT CRISTINE REYES, KAPAMILYA PA RIN

Mananatiling Kapamilya ang dalawa sa pinakamaiinit na bituin ngayon na sina KC Concepcion at Cristine Reyes habang pumirma naman ng kontrata ang nagbabalik sa ABS-CBN na si Meg Imperial. 

Inaabangan ang muling pagsabak sa pag-arte ni KC sa teleseryeng "Against All Odds" kung saan makakasama niya sina Judy Ann Santos at Sam Milby. Matatandaang taong 2009 pa noong huling napanood umarte si KC sa Pinoy version ng "Lovers in Paris." Bukod pa riyan, may nakapila ring hosting projects para sa kanya. 

Masaya at walang bakas naman ng pagsisisi si Cristine mula nang yakapin nito ang pagiging Kapamilya. Matapos ang patok nitong teleseryeng "Dahil Sa Pag-Ibig" kasama sina Piolo Pascual at Jericho Rosales, makakasama naman niya sina Dawn Zulueta, Gerald Anderson, Dina Bonnevie, at Diana Zubiri sa teleseryeng "Bukas Na Lang Kita Mamahalin" na malapit nang mapanood sa telebisyon. 

Samantala, ginulat naman ng 20-anyos na aktres na si Meg Imperial ang lahat nang maging cover girl ito sa isang sikat na men's magazine noong Disyembre. Naging usap-usapan din ang pagganap nito bilang high school student na nakipag-relasyon sa kanyang guro sa pelikulang "Menor De Edad" ng Viva Films nitong Enero. 

Bumida na rin si Meg sa top-rating program ng ABS-CBN na "Maalaala mo Kaya" katambal si Ketchup Eusebio. Masayang-masaya ang young star sa bago nitong tahanan. 

Dumalo sa contract signing sina ABS-CBN president and CEO Charo Santos-Concio, broadcast head Cory Vidanes, TV production head Laurenti Dyogi, at Viva entertainment head Veronique del Rosario.

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...