Mas dumami pa ang mga Pilipino sa buong bansa ang piniling manood ng ABS-CBN noong buwan ng Pebrero kaya naman bumulusok pataas ang average audience share nito sa 42%, o sampung puntos na lamang sa 32% na naitala ng GMA Network.
Ayon sa datos ng Kantar Media, lumaki pa ang lamang sa ratings ng ABS-CBN dahil nadagdagan ng dalawang puntos ang total day share nito mula 40% noong Enero, habang nabawasan naman ng isang puntos ang GMA mula sa 33% sa nakaraang buwan.
Mas mapagkakatiwalaan ang datos ng Kantar Media na batay sa 2,609 na kabahayan sa parehong urban at rural areas sa bansa. Mas marami at eksakto kaysa sa service provider ng ibang networks, ang AGB Nielsen, na mayroong 1,980 kabahayan na nakabase lamang sa mga urban area. Kinakatawan ng Kantar Media ang 100% ng mga kabahayang may telebisyon sa Pilipinas, habang umano'y 57% lamang ang kinakatawan ng AGB Nielsen dahil hindi kasama ang rural areas sa datos nila.
Humatak din ng malaking audience share na 47% ang primetime block (6PM-12MN) ng ABS-CBN, tatlong puntos na mas mataas mula sa 44% noong Enero, samantalang bumagsak naman ang GMA sa 29% mula sa 31%. Kapansin-pansin din ang pagbaba ng viewership ng GMA Telebabad sa Metro Manila kung saan nakakuha lamang ito ng 34% na audience share, kumpara sa 37% ng ABS-CBN.
Ang primetime ang pinakamahalagang timeblock kung saan pinakamaraming nanonood kung kaya't importante ito sa advertisers na naglalagay ng patalastas para maabot ang mas nakararaming Pilipino sa buong bansa.
Bumira pa ang ABS-CBN Primetime Bida dahil sa pagdami ng sumusubaybay sa "Ina Kapatid Anak," na nakakuha ng national TV rating na 37.2%, at ang superhero drama na "Juan Dela Cruz" na may 37.9%. Namayagpag naman ang "Princess and I" sa nakamit nitong 38.1% na national TV rating sa pagtatapos nito noong Pebrero 1.
Panalo rin sa ratings ang season four ng talent reality show na "Pilipinas Got Talent" na may 28.4% na national TV rating, habang lumiyab naman sa primetime ang "Apoy sa Dagat" na may 25.6%.
Hindi rin natinag ang "Maalaala Mo Kaya" (30.4%) ng kalabang programa nitong "Magpakailanman," na nagtala lang ng 21.3%.
Patuloy rin ang pangunguna ng "TV Patrol" sa national TV rating na 28.5% at nananatilign numero unong newscast sa bansa.
Inangkin ng ABS-CBN ang unang 12 na puwesto sa listahan ng 15 pinakapinanood na programa noong Pebrero. Ang mga ito ay "Princess and I" (38.1%), "Juan Dela Cruz" (37.9%), "Ina Kapatid Anak" (37.2%), "Wansapanataym" (32.2%, "Maalaala Mo Kaya" (30.4%), "TV Patrol" Weekday (28.5%, "Pilipinas Got Talent" (28.4%, "Be Careful With My Heart" (28%), "Apoy sa Dagat "(25.6%), "Rated K" (24.8%), Kapamilya Deal or No Deal" (24.3%), at "Goin' Bulilit" (22.8%).
Nanguna rin ang ABS-CBN maging sa Total Balance Luzon (mga lugar sa Luzon sa labas ng Mega Manila) sa average total day audience share na 42% laban sa 36% ng GMA. Kalahati naman ng mga kabahayan sa Kabisayaan ang tumutok sa ABS-CBN na may audience share na 50% kumpara sa 25% lang ng GMA. Sa Mindanao, waging wagi ang ABS-CBN sa 54% na audience share kontra sa 22% ng GMA.
May 26 na TV networks, ad agencies, at pan-regional TV networks ang kasalukuyang naka-subscribe sa ratings services ng Kantar Media na kilala sa buong mundo bilang isang kumpanyang sumusukat at nananaliksik ng mga manonood ng telebisyon. Kabilang sa subscribers nito ang ABS-CBN, NBN, Sky Cable, J. Romero and Associates, 720ConsumerConnect, Starcom, OMD, PhD, Mediacom, Mindshare, MEC, Maxus, Universal McCann, Wellmade Manufacturing Corporation, Brand Ideas, and MPG Havas. Naka-subscribe rin sa kanila ang pan-regional networks tulad ng CSM Media Inc., Fox International Channels, Star HK, Discovery, AXN, HBO, MTV, Sony Pictures Television International, Celestial Tiger, and A&E Television Network. Sa nasabing mga ahensya at kumpanya, naka-subscribe sa parehong urban at rural TV audience measurement surveys ang ABS-CBN, Brand Ideas, MPG Havas, at 720ConsumerConnect.
Lumipat sa Kantar Media ang ABS-CBN matapos magsampa ito ng kaso laban sa AGB Nielsen Media Research sa hindi nito pagsunod sa hiniling na imbestigasyon hinggil sa umano'y pandaraya ng datos ng kanilang TV ratings. Kasalukuyang nakabinbin pa sa korte ang kaso taliwas sa sinabi ng GMA na ito'y naresolba na. Hindi partido sa naturang kaso ang GMA.
No comments:
Post a Comment