Papatunayan ni 'Kuya' Kim Atienza na hindi magtatapos sa pagbabahagi ng trivia at sari-saring kaalaman ang kanyang kontribusyon sa edukasyon ng kabataan sa kanyang bagong papel bilang ambassador ng "DZMM Takbo Para sa Karunungan" kasama ang singer-actress na si Karylle.
"Isang malaking karangalan ang maging mukha at tagapagsalita ng DZMM. Sa pagsali sa Takbo Para sa Karunungan, mababago natin ang buhay ng mga iskolar sa pagtulong upang magkaroon sila ng mas magandang kinabukasan," sabi niya.
Gaganapin ang fun run sa Sabado (March 23) sa Quirino Grandstand na magpopondo ng pag-aaral ng 75 na iskolar ng DZMM na pawang mga biktima ng bagyong Ondoy, Sendong at ng Habagat.
Masayang ibinahagi ni Kuya Kim ang kwento ng mga scholar na hindi lamang natulungan kundi nakakuha ng lakas ng loob para pagbutihin ang pag-aaral.
"Itong si Rosalinda, kung noon ay pumapasok sa paaralan nang hindi kumakain, ngayon nakakapag-tricycle na. Si Efren naman, dating mahiyain, top seven na ngayon sa klase. Andiyan din si Roxanne na masipag na ngayon, pati Kuya niya ay tinuturuan niya," kwento niya.
Sinuportahan naman ni Karylle ang proyektong ito ng DZMM hindi lamang dahil hilig niya ang pagtakbo pero dahil nakita niya ang pagsusumikap ng mga bata sa kabila ng trahedyang napagdaanan.
"Ang maganda diyan, yung scholars ay naapektuhan ng mga bagyo pero ganado pa rin silang matuto. Hindi lang naman ito about education, it's also about making people better, getting them the best that they can be in every aspect, in education, in sports, in their family life and spiritual life of course," aniya.
Lumahok sa unang DZMM Takbo Para sa Karunungan si Karylle kung saan 25 iskolar pa lang ang sinuportahan ng DZMM. Sa bilang na 75 ngayon, inaasahan niyang mas dadami pa ito.
"Kahit sino pwedeng tumakbo, 'yun ang maganda dito. Hindi naman kailangang mahilig ka sa running para makatulong. Makakatulong din siya para ma-appreciate ng ibang bata ang pag-aaral," sabi ni Karylle, na lalahok sa 5km category.
Samantala, hindi rin magpapahuli sina Karen Davila, Gerry Baja, Winnie Cordero, Gretchen Fullido at iba pang DZMM anchors na makikitakbo rin sa Sabado.
Kaagapay din ng himpilan ang CFC Ancop Tekton Foundation Inc. at St. Jude Catholic School batch 1990 ngayong taon.
Ipagpapatuloy ng DZMM ang scholarship ng 25 estudyanteng biktima ng Bagyong Sendong sa Cagayan de Oro at 50 iskolar sa Metro Manila na hinagupit ng Habagat kamakailan at Bagyong Sendong.
Bukod sa pagkakataong tumulong, may mga nakaabang ding cash prizes para sa top winners ng 3 km, 5 km, 10 km, at 21 km race categories, pati na rin sa lalahok na government organizations, non-government organizations, at mga paaralan na may pinakamaraming bilang ng kalahok. Ang registration fee para sa mga ito ay nagkakahalagang P450, P550 at P600, habang P300 naman ang registration fee para sa mga estudyante.
Makiisa sa pagsulong ng edukasyon kasama sina Kuya Kim at Karylle. Para mag-rehistro, bisitahin lang ang www.dzmm.com.ph o tumawag sa secretariat sa 4152272 local 5674 and 5641.
No comments:
Post a Comment