Thursday, December 19, 2013

ATOM, IKUKUWENTO ANG MATINDING PINAGDAANAN KAY “YOLANDA”

Idedetalye ni Atom Araullo ang kaniyang karanasan habang kumakalap ng balita sa kasagsagan ng pananalasa ng pinakamalakas na bagyo sa daigdig sa espesyal ng dokumentaryong "Yolanda" ngayong Linggo (Disyembre 22) sa ABS-CBN.

"Nasaksihan namin kung gaano kabilis tumaas 'yong tubig. Kasabay noon naiisip namin 'yong libu-libong taong hindi makalikas mula sa kani-kanilang bahay," kwento ni Atom sa kanyang panayam sa programa ni Lynda Jumilla na "Beyond Politics" sa ANC.

Dagdag pa ni Atom, sadyang kakaiba ang lakas ng bagyong Yolanda kaya naman wala talagang kasiguruhan ang kaligtasan ng mga sinalanta kahit pa pinaghandaan nila ang pagdating ng bagyo.

"Makikita mong nagsisitakbuhan 'yong mga tao… Maririnig mo silang tumatangis sa kadiliman, walang kuryente, ang daming bangkay sa paligid, 'yong mga survivors aligaga kung paano ba sila makikipag-ugnayan sa pamilya nila," pagbabagi niya.

Bukod sa pagbabalik-tanaw sa kanyang hindi malilimutang pagbabalita sa Tacloban, ipapakita rin ni Atom sa dokumentaryo ang mga video at mga larawan kaugnay dito na hindi pa naipapakita sa telebisyon.

Maghahatid rin si Atom ng iba't-ibang kwento ng mga biktima na magpapakita kung gaano katibay ang loob ng mga Pilipino sa gitna ng trahedya at kwento ng pagbangon na magpapamalas naman kung paano nagbuklod ang buong mundo para maghatid ng tulong sa mga Pilipino.

Huwag palampasin ang dokumentaryong "Yolanda" ngayong Linggo sa (December 22), pagkatapos ng "Gandang Gabi Vice" sa Sunday's Best ng ABS-CBN.

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...