Friday, July 26, 2013

MALOU SANTOS NG STAR CINEMA, WAGI SA 2013 CEO EXCEL AWARDS

Kasabay ng ika-20 anibersaryo ng Star Cinema, panibagong tagumpay ang nakamit ng Managing Director nito na si Malou Santos kamakailan matapos siyang parangalan ng isang Communication Excellence in Organizations (CEO Excel) Award ng International Association of Business  Communicators  (IABC) Philippines.

Kinilala at pinuri ng award-giving body si Santos para sa kanyang mahusay na paggamit ng komunikasyon bilang managing director ng Star Cinema sa paghahatid ng mga kwentong nagbibigay inspirasyon at pag-asa sa buong sambayanan.

"Komunikasyon ang puso at kaluluwa ng lahat ng proyekto ng Star Cinema," pahayag ni Santos. "Sa pamamagitan ng mga awit, pelikula, palabas, at programa sa radyo, naibabahagi namin hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo ang kwento ng bawat Pilipino."

Sa ilalim ng pamumuno ni Santos, naiangat ng Star Cinema ang movie industry sa Pilipinas sa pamamagitan ng paglikha ng mga dekalibreng pelikula na magmamarka sa puso ng lahat. Patunay dito ang box-office results kung saan ang lahat ng top 10 highest-grossing Filipino films of all time, kabilang ang "Sisterakas," "It Takes A Man and A Woman," "The Mistress," "Praybeyt Benjamin," at "No Other Woman," ay mula sa produksyon ng movie arm ng ABS-CBN.

Upang suportahan ang independent movie industry sa bansa, inilunsad at ipinakilala naman ni Santos ang maindie (mainstream-indie) cinema brand na Skylight Films upang makapaghatid ng kakaibang mga pelikula gaya ng "Corazon: Ang Unang Aswang" at "Bromance."

Bilang Senior Vice President for TV Drama ng ABS-CBN, si Santos din ang nasa likod ng tagumpay ng Asia's longest-running at award-winning drama anthology na "Maalaala Mo Kaya," at ng mga top-rating teleserye tulad ng "Pangako Sa'Yo," "Lobo," "Magkaribal," "Maging Sino Ka Man," at "Immortal" na naging major hit sa iba't ibang bansa tulad ng Cambodia, Malaysia, at Singapore.

Bukod kay Santos, pinarangalan din ng IABC Philippines ng CEO Excel Award ang Head of Digital Media ng ABS-CBN na si Donald Lim para sa kanyang matagumpay na pamamahala bilang Founding President ng Internet and Mobile Marketing Association of the Philippines (IMMAP). Ang IMMAP ay ang nangungunang samahan ng digital marketing professionals sa bansa na binuo ni Lim upang paunlarin ang industriya nito sa makabagong panahon.

Ang CEO Excel awards ay ang taunang parangal ng IABC Philippines na kumikilala sa top-level business leaders sa bansa na nagpapamalas ng husay at galing sa paggamit ng komunikasyon para sa pagtataguyod ng mga proyektong ikauunlad ng kanilang industriya.

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...