Nakilala ang TV5 sa paglulunsad ng mga kakaibang format at fresh faces sa Philippine Television. Ngayon ay muli na namang paiinitin ng Kapatid Network ang primetime ngayong Hulyo sa pagsisimula ng isang mabilis, kapanapanabik at nagbabagang mini-serye na mapapanood sa loob lamang ng 30 araw: MISIBIS BAY.
Inihahandog ng MISIBIS BAY ang pinaka-kontrobersyal na May-December affair na sasalamin sa istorya ng isang babaing hindi inalinatana ang kahirapan upang makamit ang kanyang mga pangarap sa buhay. Kinunan sa kilalang luxury island sa Bicol, pinagmamalaki din ng Misibis Bay ang cast nito na kinabibilangan ng ilan sa mga tinitingalang artista sa telebisyon.
Tampok sa Misibis Bay ang tinaguriang virgin bombshell ng TV5 na si Ritz Azul na ngayon ay handang-handa nang ipakita ang kanyang sexier, bolder at mature side sa pagganap bilang si Maita Ramirez, isang babaing nag-asawa ng isang matandang businessman sa pag-aakalang ito ang magiging susi niya sa pag-ahon sa kahirapan.
Makakasama ni Ritz sa unang pagkakataon ang kinikilalang "Drama King of Philippine TV" Mr. Christopher de Leon na gaganap bilang si Anthony Cadiz, ang mayamang real estate tycoon na may tatlong anak sa iba't-ibang babae. Nais niyang itama ang kanyang mga kamalian sa pamamagitan ng pagpapakasal sa isang babaing nagmamay-ari ng lupang tinayuan ng kanilang resort. Kabilang din sa Misibis Bay ang original "Ms. Body Beautiful" Ms. Vivian Velez sa kanyang comeback role bilang si Miranda Cadiz, ang tusong nakatatandang kapatid ni Anthony na naiinggit sa natatamasang tagumpay ng kapatid. Ang FAMAS at Star Awards lifetime achievement awardee na si Ms. Boots Anson-Roa ay gaganap naman bilang si Lola Delia, ang butihing lolang nagpalaki kay Maita at ang sinasabing pinagkukunan nito ng lakas at inspirasyon.
Kabilang din dito ang mga Kapatid hunk actors na sina Daniel Matsunaga, Victor Silayan at Vin Abrenica bilang sina Andrew, Bernard at Charlie, ang magkakapatid na Cadiz na magdadala ng komplikasyon sa buhay ni Maita. Kasama din sa Misibis Bay sina Andrea del Rosario, Luke Jickain, Malak So Shdifat, Lucky Mercado, at Megan Young.
Kilalanin silang lahat at abangan kung paano nila babaguhin ang makulay na mundo ni Maita. Huwag palalampasin ang controversial sexy drama mini-series na Misibis Bay sa pagsisimula nito ngayong Hulyo 1, 8PM sa TV5.
No comments:
Post a Comment