Wednesday, June 5, 2013

KILALANIN ANG “LUCKY 9” NA BAGONG BULILITS

Sa darating na Linggo (Hunyo 9), bigyang daan ang pagdating ng siyam na bagong cute na mga tsikiting ng "Goin Bulilit" na magpapasabog ng kakulitan at katatawanan.

"Most of the kids are five years old kaya asahang mas makulit ang bagong batch na ito," kwento ni Ricky Victoria, Creative Manager ng "Goin' Bulilit."

Walong taon nang naghahatid ng saya ang naturang longest-running kiddie gag show sa bansa. Kasabay ng anibersaryo nito noong Pebrero ay nag-graduate ang isa pang batch ng 'bulilits' na kinabibilangan nina Kobi Vidanes, Joseph Andre Garcia, Aaron Juntas, Alexa Ilacad at Angel Sy.

Nagbigay daan ito para magtawag ng auditions para bagong batch ng child stars na kukumpleto sa cast ng programa. Libu-libong bibong batang may edad lima hanggang walong taong gulang ang dumagsa sa isinagawang auditions. "Labindalawang kids ang masuwerteng napili sa auditions pero pagkatapos ng masusing workshops, siyam na lang silang natira," sabi ni Victoria.

Dagdag pa ni Victoria na bukod sa talento sa pag-arte, pagkanta at pagsayaw, 'charm' at 'charisma' ang hinanap ng mga judges sa auditions na nakita naman nila sa mga napiling bata.

Kasama rin sa bagong cast ng programa ang child wonder na si JB Agustin na nauna nang bumida sa hit fantaseryeng "Little Champ." Ang ilan pang kukumpleto sa cast ay sina Aldred Nasayao, CX Navarro, Lance Lucido, Aaliyah Belmoro, Allyson Mcbride, Ashley Sarmiento, Jillian Aguila at Kazumi Porquez.

Samantala, abangan naman ngayong Linggo (Hunyo 9) ang inihandang pakwela sa balik-eskwela ng "Goin' Bulilit" kids sa kanilang nakakaaliw na back-to-school gags at sketches. Kapit na sa mas pinasayang "Goin Bulilit" tuwing Linggo sa ABS-CBN Channel 2 pagkatapos ng "TV Patrol Weekend."

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...