Hindi pa man ipinalalabas sa Pilipinas, umaani na ng papuri at mainit nang pinag-uusapan ang de-kalibreng upcoming action-thriller ng Star Cinema at Reality Entertainment na "OTJ" (On The Job) matapos nitong tumanggap ng masigabong palakpakan kamakailan mula sa mga manonood ng prestiyosong Cannes International Film Festival sa France, kung saan isa ang obra ni Direk Erik Matti sa 21 feature films na bahagi ng Directors' Fortnight.
Dumalo sa 66th Cannes International Film Festival si Direk Erik at ang mga bida ng "OTJ" na sina Piolo Pascual, Gerald Anderson, Rayver Cruz at Joel Torre; kasama ang creative manager ng Star Cinema na si JP Abellera at Star Cinema International Distribution and Access Group supervisor na si Kynan Del Rosario, at ang executive producer ng Reality Entertainment na si Dondon Monteverde.
Pangatlong beses na ito ni Piolo na nakadalo sa Cannes. Ang una ay noong 2005 kung kailan naimbitahan ang pelikula niya sa Star Cinema na "Milan" na naging bahagi ng Cinemas in the World section ng nasabing film festival; at ang pangalawa ay noong 2009 para sa independent film na "Manila" na si Piolo mismo ang nag-produce.
Ang "OTJ" ay bahagi ng engrandeng selebrasyon ng ika-20 anibersaryo ng Star Cinema, ang pinakamalaking film production outfit sa bansa na patuloy sa paglikha ng mga de-kalidad at world-class na pelikula para sa mga manonood.
Sa ilalim ng direksyon ni Direk Erik na kilala sa paglikha ng mga matatapang na obrang pampelikula, ang "OTJ" ay itinuturing na pinaka-astig na pelikula ng taon na magtatampok sa kakaiba at mas matapang na pagganap ng dalawa sa pinakamahuhusay na aktor sa bansa na sina Piolo at Gerald. Sa kwento, gaganap si Piolo bilang isang NBI agent na target hulihin ang karakter ni Gerald na isang professional hitman.
Bahagi rin ng "OTJ" sina Joey Marquez, Shaina Magdayao, Angel Aquino at Empress.
Kailan nga ba nagiging tama ang mali at ang mali ay tama? Tuklasin ang sagot sa internationally-acclaimed Star Cinema at Reality Entertainment action-thriller na "OTJ" na malapit nang mapapanood na sa mga sinehan nationwide.
No comments:
Post a Comment