Friday, August 22, 2014

Sino si 'Miss Ripley'?

Nakabibighani ang kanyang ganda ngunit hindi nakikita ng  mga mata na ang kanyang buong pagkatao ay binabalot ng kasinungalingan. Ano nga ba ang nananatiling totoo sa mundong nabuo sa panlilinlang?

Makikilala mo na si Emily, ang pinakabagong bida-kontrabida sa primetime, simula Lunes (Aug 25) sa pag-uumpisa ng naiiba at mapang-akit na Koreanovela na "Miss Ripley."

Tampok bilang Emily si Lee Da Hae, na unang kinagiliwan ng maraming Pilipino sa hit seryeng "My Girl," sa kanyang pinakamapangahas na pagganap sa telebisyon. Sasamahan siya rito ni Park Yoo Chun bilang Marco na kinahumalingan naman sa mga seryeng "Rooftop Prince," "My Secret Love: Sungkyunkwan Scandal," at "Missing You."

Sa kagustuhang takasan ang kanyang mapait na nakaraan at nakagisnang buhay sa Japan, magsisimulang muli si Emily sa pamamagitan ng pagbalik sa Korea. Maghahanap siya ng trabaho ngunit hindi ito magiging madali dahil high school lang ang kanyang tinapos.

Sa kanyang kagustuhang makaangat agad sa buhay kung kaya't naisip niyang magpanggap bilang ibang tao at pinaniwala ang hotel manager na si William na siya ay nakapagtapos sa University of Tokyo. Si William sa mga panahong iyon ay naghahanap ng taong marunong magsalita ng Hakata at dahil galing Japan, alam ni Emily ang naturang wika.

Tuluyang mabubulag si Emily ng ambisyon at bukod sa trabahong inaasam, kukunin niya rin ang loob ni Wiliiam at papaibigin ito. Dito magkukrus ang landas nila ni Marco, ang tagapagmana ng malalaking hotel chain sa bansa. Para sa babaeng hahamakin ang lahat makuha lang ang gusto, iindahin ni Emily ang nararamdaman ni William at aakitin din si Marco palapit sa kanya.

Hanggang saan dadalhin ng ganid si Emily? Sino sa dalawang lalaki ang handang maninidigan para sa kanya sa oras na maisiwalat na ang tunay niyang pagkatao?

Pakatutukan ang "Miss Ripley" simula sa Lunes (Aug 25) pagkatapos ng "Aquino and Abunda Tonight" sa Primetime Bida ng ABS-CBN. Para sa karagdagang updates, sundan ang @Kapamilyanovela sa Twitter o i-like ang official Kapamilyanovela Facebook page sa http://www.facebook.com/ABSCBNKapamilyanovelas.

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...