Dumagundong ang tawanan, hiyawan, at tilian sa Big Dome kamakailan sa pagdagsa ng mahigit 13,000 fans sa unkabogable at sold-out comedy concert ng phenomenal box-office star na si Vice Ganda na "I-Vice Ganda Mo 'Ko Sa Araneta."
Muling pinatunayan ni Vice ang lakas ng kanyang hatak sa buong sambayanan sa pag-break niya ng record bilang nangungunang local artist na may pinakamataas na concert ticket sales ngayong 2013, ayon sa ticket distributor na Ticketnet.
Hindi binigo ni Vice ang libo-libong tao na sumuporta sa kanyang pangatlong concert sa Smart Araneta Coliseum kung saan non-stop niyang pinatawa, pinasaya, at pinangiti ang lahat sa pamamagitan ng kanyang makukulit at nakaaaliw na pasabog kabilang ang tatlong version ni Vice na ikinaloka ng lahat—Vice as Senator, Vice as Beauty Queen, at Vice as Bold Star.
Walang tigil din naman ang hiyawan ng mga masusugid na taga-suporta ni Vice sa sunod-sunod na production numbers ng kanyang guests kung saan tampok ang panghaharana ni Daniel Padilla ng kanyang single na "Kumusta Ka;" pagsasayaw ni Enrique Gil ng dance craze na 'The Gentleman;' pakikipagbiruan at asaran nina Dawn Zulueta, Paulo Avelino, at Ai Ai delas Alas; at ang pinakabonggang pasabog na sorpresang pagbisita ni Coco Martin sa comedian.
Bukod sa kanyang special guests, dumating din naman sa concert ni Vice ang ABS-CBN President na si Charo Santos-Concio, channel head na si Cory Vidanes, TV production head na si Lauren Dyogi, direktor na si Wenn Deramas, at ang ilan sa pinakamalalapit niyang kaibigan sa showbiz tulad nina Kris Aquino, ZsaZsa Padilla, Janice de Belen, Jed Madela, Karylle, Ryan Bang, Yael Yuzon, Chokoleit, at Anne Curtis.
Ang "I-Vice Ganda Mo 'Ko Sa Araneta" ay sa ilalim ng direksyon ni Bobet Vidanes at musical director na si Marvin Querido.
Para sa karagdagang impormasyon, mag-log on sa www.abs-cbn.com o sundan ang @abscbndotcom sa Twitter.
No comments:
Post a Comment