Wednesday, November 27, 2013

DISKARTE NINA JOHN, JOEY, AT RICHARD SA KABABAIHAN, ILALANTAD

Isisiwalat ng "Palibhasa Lalake" stars na sina Richard Gomez, Joey
Marquez, at John Estrada ang kanilang sikreto sa pagiging habulin ng
mga kababaihan at didipensa rin sa mga nagsasabing babaero sila
ngayong Huwebes (Nov 29) sa "Tapatan ni Tunying."

Simula nang pumatok ang sitcom na "Palibahasa Lalake" noong late 80s,
kabilang na ang tatlo sa pinakapaborito at pinakatinitiliang aktor sa
Philippine showbiz. Bentahe nila ang pagiging swabe pagdating sa mga
babae. Sa kabila nito, itinanggi pa rin nila na sila ay mga babaero.

"Yung babaero, maraming babae sa iisang pagkakataon. Hindi kami
babaero. Kami ay 'babaista' kasi mahilig sa babae pero isa-isa lang.
'Pag pinagsasabay-sabay, hindi tayo ganyan. Si Joey Marquez lang ang
ganyan," biro ni John.

Para naman kay Joey, hindi sapat ang itsura at magandang career para
makuha ang loob ng isang babae.

"Una dapat puno ka ng sense of humor. Pangalawa, dapat matured ka.
Pangatlo, dapat may sense of security ka para sa kanila. Bakit
kailangan mo pang alamin yung sampu kung yung unang tatlo ay alam mo
na," payo ni Joey.

Sa paglipas ng panahon, nagkaroon na ng kanya-kanyang pamilya sina
John, Joey, at Richard. Ikinasal si John sa beauty queen na si
Priscilla Meirelles noong 2011, ngunit una na siyang ikinasal kay
Janice De Belen. Sa annulment naman nauwi ang pagpapakasal ni Joey kay
Alma Moreno. Bagamat parehong dumaan sa bigong relasyon sina John at
Joey, iginiit naman nilang masaya pa rin ang kanilang pamilya dahil na
rin sa kanilang mga anak. Si Richard naman ay 15 taon nang kasal kay
Rep. Lucy Torres-Gomez.

"Kuntento ako sa buhay-may asawa ko, masaya na ako. Hindi na ako
hihingi ng payo kay Joey saka kay John, kasi baka madagdagan ang asawa
ko, okay na ako kay Lucy," hirit ni Richard.

Ibabahagi rin ng tatlong aktor ang sikreto ng matatag nilang
pagkakaibigan na lampas dalawang dekada na. Babalikan din ng
magkakaibigan ang kanilang samahan sa "Palibhasa Lalake," at
magkukuwento ng tungkol sa kanilang mga pamilya, at mga plano sa
kani-kanilang karera sa showbiz at politika.

Huwag palampasin ang "Tapatan ni Tunying" (TNT) ngayong Huwebes (Nov
29), 4:45 PM sa ABS-CBN Kapamilya Gold.

No comments:

Post a Comment