Wednesday, November 20, 2013

60 STARS NAGKAISA SA ‘TULONG NA!’ CONCERT NG ABS-CBN

Walang talent fee na tinanggap ang lahat ng Kapamilya stars, singers,
mga banda, choir at dance groups na nagsanib-pwersa sa sold-out
"Tulong Na, Tabang Na, Tayo Na! An All-Star Benefit Concert" ng
ABS-CBN na ginanap kamakailan sa Araneta Coliseum.

"Ang puso ng mga artist napakalaki n'yan. Dahil sa mga tulad nila na
mapagbigay, nagiging possible ang mga concert na tulad nito," pahayag
ng Tony-award winner na si Lea Salonga na isa sa mga nakiisa sa halos
60 bituin na nakiisa sa layuning makatulong sa paglikom ng karagdagang
pondo para sa mga survivor ng mga kalamidad na tumama sa Visayas
region.

Halos 10,000 katao ang dumagsa sa benefit concert na binuo ng ABS-CBN
ng wala pang isang linggo at na-promote sa publiko sa loob lamang ng
dalawang araw. Sa kabila nito, nabili ang lahat ng concerts tickets
ilang oras bago pa magsimula ang programa.

Dumagundong ang Big Dome sa sunod-sunod na todo-bigay na performance
ng lahat kabilang ang mapusong pag-awit ni Lea ng "Bayan Ko," ang
'Twitter trending' na shadow play ng awit na "The Prayer" ng El Gamma
Penumbra; pag-awit ng inspirational singers na sina Jamie Rivera at
Fatima Soriano na magkasunod na inawit ang "Heal Our Land" at
"Mahiwaga;" masiglang rock performance ng OPM band na 6Cyclemind na
pinahiyaw, pinasayaw at pinatalon ang buong Araneta; at ang
makatindig-balahibong pag-sing-along ng lahat sa kantang "Hawak Kamay"
habang iwinawagayway ang kani-kanilang cellphone na nagbigay liwanag
sa buong Araneta.

Bukod sa liwanag, mas kumislap ang buong Big Dome dahil suot ng lahat
ng dumalo ang kulay puting "Tulong t-shirt" na ipinamigay sa mismong
araw ng concert.

Kabilang rin sa mga umawit ng himig ng pag-asa, inspirasyon at
pagkakaisa sina Martin Nievera, Charice, Toni Gonzaga, Sam Milby,
Abra, Rico J. Puno, Bituin Escalante, at iba pang Kapamilya stars.
Samantala, ilan naman sa mga nagbahagi ng mga nakaaantig na kwento ng
mga nakaligtas sa kalamidad, volunteers at donors sina Judy Ann
Santos, John Lloyd Cruz, Angel Locsin, Angelica Panganiban, Dawn
Zulueta, Richard Gomez. Maja Salvador, Shaina Magdayao, Xian Lim,
Enchong Dee, at Venus Raj.

Nakisaya rin sa fundraising event ang ABS-CBN executives na
pinangunahan nina chairman Eugenio "Gabby" Lopez III at president at
chief executive officer Charo Santos-Concio.

Sa concert, inanunsyo ng bagong lunsad na ABS-CBNmobile na mamamahagi
ito ng mahigit sa 100,000 na SIM cards na may kalakip na relief
packages sa mga lugar na nasalanta ng bagyong Yolanda. Magtatayo rin
sila ng text and calling stations sa mga nasalantang lugar hanggang sa
bumalik na ang kuryente at cellphone signal doon.

Mapupunta ang lahat ng kinita ng concert sa calamity fund ng Sagip
Kapamilya, ang emergency humanitarian assistance program ng ABS-CBN
Foundation.

Kahit tapos na ang concert, patuloy ang panawagan ng ABS-CBN sa lahat
na tumulong sa mga survivor ng kalamidad sa bansa sa pamamagitan ng
kanilang "Tulong Na, Tabang Na, Tayo Na!" relief campaign. Sa mga nais
mag- volunteer, mag-donate o maghanap ng nawawalang mahal sa buhay sa
mga nasalantang lugar, bumisita lamang sa ABS-CBNnews.com/TulongPH.
Makibahagi rin kampanya sa Twitter gamit ang hashtag na #TulongPH.

No comments:

Post a Comment