Wednesday, August 20, 2014

ABS-CBN Philharmonic Orchestra, Pakikiligin at Pasasayawin ang Madlang People

Inilunsad na ng Star Records ang debut album ng ABS-CBN Philharmonic Orchestra na may titulong "Decades of OPM" na nagbibigay-pagkilala sa ilan sa pinakamagagandang original Pilipino music (OPM) noong '70s, '80s '90s at 2000s.

Tapat sa hangarin nitong ipakilala ang musika ng orkestra sa puso ng mas nakararaming Filipino, tampok sa album ng ABS-CBN Philharmonic Orchestra ang natatangi nitong kolaborasyon kasama ang ilan sa pinakamahuhusay na mang-aawit sa bansa kabilang sina Gary Valenciano, Martin Nievera, Vina Morales, Angeline Quinto, Yeng Constantino at Piolo Pascual, at pinakasikat na recording stars ngayon gaya nina Daniel Padilla, Enrique Gil, at Abra.

Maghandang kiligin sa mga bagong bersyon ng ilan sa all-time videoke favorites ng mga Pinoy na inawit sa saliw ng ABS-CBN Philharmonic Orchestra. Bahagi ng tracklist ang "Kapalaran" na kinanta ni Gary V, "Hawak Kamay" ni Yeng, "Himig Handog Suite" (Medley of Hanggang/Kung Ako Na Lang Sana/Ano'ng Nangyari Sa Ating Dalawa/Hindi Na Bale) na inawit ni Angeline, "Rey Valera Suite" (Medley of Pangako/Tayong Dalawa/Kung Tayo'y Magkakalayo), "Mula Sa Puso (orchestra only), "Tubig at Langis (orchestra only), at "Be My Lady" na tinugtog kasama ang award-winning composer-arranger na si Louie Ocampo.

Bukod sa ballads, maghandang mapasayaw sa pagtugtog ng ABS-CBN Philharmonic Orchestra sa mga pumatok na Pinoy dance hit songs na tiyak na muling magpapaindak sa bagong henerasyon. Kinanta ni Daniel ang "OPM Dance Suite" (Medley of Awitin Mo Isasayaw Ko/Katawan/Rock Baby/Tayo'y Magsayaqan) at sina Enrique at Abra ang nagsanib-pwersa para sa bagong bersyon ng "Totoy Bibo." Tinugtog rin ng orkestra ang "Pinoy Ako," ang theme song ng hit reality show ng ABS-CBN na "Pinoy Big Brother."

Bahagi rin ng album ang bonus tracks na "Please Be Careful With My Heart" (orchestra only), "Maging Sino Ka Man" ni Martin, "After All" nina Martin at Vina, at "Kung Kailangan Mo Ako" ni Piolo. 

Ang "Decades of OPM" CDs mabibili na mga record bar sa buong bansa sa halagang P350 lamang. Mada-download naman ang digital format ng mga kanta sa Starmusic.ph, Amazon.com, Mymusicstore.com.ph, at iTunes. 

Ang 42-piece ABS-CBN Philharmonic Orchestra ay pinangungunahan ng kilalang conductor na si Maestro Gerard Salonga. Ito ay isang joint venture ng ABS-CBN at First Philippine Holdings Corp. 

Para sa karagdagang impormasyon kaugnay ng "Decades of OPM" album ng ABS-CBN Philharmonic Orchestra, bisitahin ang Facebook fanpage ng Star Records sa Facebook.com/starrecordsphil o sundan ang @starrecordsph sa Twitter.

No comments:

Post a Comment