Saturday, May 17, 2014

Boses ng mga Bulilit, Bibida na sa 'The Voice Kids' Simula Mayo 24

Makikilala na ang mga bulilit sa likod ng mga higante at kakaibang boses na haharap sa hamon ng pagtupad ng kanilang mga pangarap sa inaabangang pagsisimula ng "The Voice Kids" ngayong Mayo 24 sa ABS-CBN.

Parehong tensyon ang dapat na abangan at parehong galing sa pagkanta ang hahanapin ng nagbabalik na coaches na sina Popstar Royalty Sarah Geronimo, Rock Superstar Bamboo, at Broadway Diva Lea Salonga sa mga batang Pinoy na may edad na walo hanggang 14 taong gulang. Katulad ng ibang international versions ng "The Voice Kids," tatlo ang uupo sa coaches' chairs para piliin ang young artists na kanilang ime-mentor sa pamamagitan ng pakikinig lamang sa kanilang boses habang nakatalikod sa Blind Auditions.

"Napakalaking privilege to work with some amazing kids, and hopefully para maimpluwensyahan sila sa tamang paraan," saad ni Lea.

Ayon naman kay Sarah, malaki ang koneksyon niya sa mga batang sumalang sa "The Voice Kids," lalo na't sumali rin siya sa iba't ibang amateur at TV singing contests noon.

"Nakikita ko ang sarili ko sa kanila. I believe ito ang magiging strength ko at makakatulong sa pagco-coach ko sa kanila, kasi pinagdaanan ko na ang lahat ng ito," pahayag ni Sarah.

Aminado naman si Bamboo na mas mahirap umano ang kids edition ng programa at itinuturing niya itong isang malaking challenge.

"Sa adults, alam mo na ang direksyon kung saan sila as an artist. Sa kids, gray area pa. So I carefully listen to every child so I can give justice to their performance when I comment, whether I turn around or not," sabi niya.

Sa pagtatapos ng Blind Auditions kinakailangang makapili ang bawat coach ng 18 artists na mapapabilang sa kanilang teams at uusad sa susunod na rounds ng kumpetisyon.

Bahagyang naiiba mula sa adults version ang Battle Rounds ng kids version dahil dito, pagsasabungin ng bawat coach ang tatlong bata ng kanilang koponan sa pamamagitan ng pag-awit ng isang kanta. Isa lang dito ang mapipili para makalusot sa Sing-Off, kung saan anim na artists sa iisang team ang muling magbabakbakan.

Mula sa Sing-Off, mamimili ang bawat coach ng dalawang artists sa kanilang team na muling uusad sa Semi-Finals. Mula sa anim na semi-finalists na ito pipiliin ang Top 4 na maglalaban-laban sa grand finals. Kaya naman sa huling yugto ng pamimili ng natatanging "The Voice," posibleng may isang coach na magiging dalawa ang pambato sa grand finals.

Hindi na bago para kay Luis ang mag-host ng isang programa kung saan bida ang mga bata, dahil nakasama na niya ang mga ito sa "Star Circle Kid Quest," "Junior Minute to Win It," at "Pilipinas Got Talent."

"Na-expose na ako sa mga bata, so alam ko kung anong sasabihin sa kanila o mapagaan ang loob nila. Ako gusto ko ang backstage area, kahit paano hindi pa sila ninenerbiyos. Nalalaman ko ang istorya nila, bakit sila nandito, ang mga bagay na gusto nilang ma-accomplish," ani Luis.

Sa kauna-unahang pagkakataon naman ay makakatrabaho niya si Alex, ang dating V-Reporter sa Season 1 ng "The Voice of the Philippines."

"Ang sinasabi ng staff hindi kami pwedeng magsama, kasi tatawa lang kami nang tatawa. Pero ang tagal ko na siyang kilala, and it's honestly a pleasure to work with her," dagdag ni Luis.

Lubos namang naghanda si Alex bago sumabak sa pagho-host, lalo na't siya ang naatasang makisalamuha sa young artists sa 'tension room' bago sila sumalang sa auditions. Aniya, dahil dito ay naalala niya ang mga napag-aralan niya sa kanyang tinapos na kursong Education.

"Kailangan gamitan mo ng iba-ibang techniques ang bata. Kasi 'yung iba feeling nila ang 'The Voice' na talaga yung last shot nila, sobrang bigat para sa kanila. Sa auditions, bago sila sumabak, andun ako para i-boost ang morale nila. Kasi mga bata, baka ma-starstruck sila sa coaches o magulat sa dami ng ilaw. I-encourage ko lang sila and make them feel at ease," aniya.

Abangan ang pagsisimula ng "The Voice Kids" kung saan pangarap ang puhunan at boses ng bulilit ang labanan sa ABS-CBN ngayong Mayo 24. Para sa updates ukol sa programa, bisitahin ang thevoice.abs-cbn.com, i-like ang www.facebook.com/thevoiceabscbn sa Facebook o i-follow ang @thevoiceabscbn the Twitter at @abscbnthevoice sa Instagram.

 

No comments:

Post a Comment