Thursday, December 12, 2013

CHRISTMAS SPECIAL NG ABS-CBN, MAPAPANOOD NGAYONG “SOLIDARITY WEEKEND”

Mapapanood na ngayong "Solidarity Weekend" (Disyembre 14 at 15) ang katatapos lamang na star-studded solidarity concert ng ABS-CBN na pinamagatang "Kwento ng Pasko: Pag-asa at Pagbangon: The 2013 ABS-CBN Christmas Special."

Ang two-part Christmas special ay bahagi ng espesyal na "Solidarity Weekend" na hangad na makatulong sa pagbangon ng lahat ng mga  Kapamilyang naapektuhan ng mga kalamidad.

Nagsama-sama sa sold-out fundraising concert ang lampas 100 Kapamilya stars na naghanda ng kanilang special production numbers. Ilan sa highlights ng programa ang makatindig-balahibong song numbers ng Kapamilya singers kabilang sina Lea Salonga, Gary Valenciano, Martin Nievera, Lani Misalucha, Sarah Geronimo at Angeline Quinto; nakakikilig na harana ng 'Kapamilya Heartthrobs' na pinangunahan nina Piolo Pascual, Coco Martin at John Lloyd Cruz; 'pasabog number' nina Anne Curtis at Vice Ganda; at ang Beatles' medley ng isang banda mula sa Tacloban na pinatayo, pinasayaw at natatanging nagpa-standing ovation sa lahat ng nasa Araneta Coliseum. Itinampok rin sa concert ang never-before-seen na makabagdamdaming kwento ng calamity survivors at volunteers.

Ang lahat ng kita mula sa 'Kwento ng Pasko' solidarity concert ay ido-donate sa Sagip Kapamilya calamity fund ng ABS-CBN Foundation na patuloy na nagbibigay-tulong sa unti-unting pagbangon ng mga Kapamilyang nasalanta ng mga kalamidad sa iba't ibang bahagi ng bansa.

Huwag palampasin ang "Kwento ng Pasko: Pag-asa at Pagbangon: The 2013 ABS-CBN Christmas Special" ngayong Sabado at Linggo, sa ganap na alas-9:30 ng gabi sa ABS-CBN.

Bukod sa panonood ng solidarity concert, maaari ring makiisa ang Kapamilya viewers sa "Solidarity Weekend" sa pamamagitan ng pagsusuot ng "Tulong Shirts" at pagpapadala ng 'message of hope' para sa mga Kapamilya na patuloy na bumabangon mula sa mga sinapit na trahedya. Kunan lang ang sarili suot ang "Tulong Shirts hawak ang personal message of hope. I-post ito sa Facebook, Twitter at Instagram gamit ang official hashtag na #TulongPH.

Para sa karagdagang impormasyon kaugnay ng "Solidarity Weekend" at "TulongPH campaign," bumisita lamang sa ABS-CBNnews.com/TulongPH.


No comments:

Post a Comment