Tuesday, November 5, 2013

SIMPLENG TAO AT TOTOONG KWENTO, NAGSISILBING INSPIRASYON SA ABS-CBN

Bibigyang pugay ng ABS-CBN ang mga kwento ng mga Pilipino na
nagsilbing inspirasyon sa kanila sa nakaraang 60 taon sa pamamagitan
ng pinakabagong Kapamilya Christmas Station ID na ilulunsad ngayong
Miyerkules (Nov 6) pagkatapos ng "TV Patrol."

Pinamagatang "Magkasama Tayo sa Kwento ng Pasko" ang Christmas SID
ngayong taon. Ito ay magiging tulay para ibahagi ang makukulay na
kwentong ito sa lahat ng Pilipino sa loob at labas ng bansa.
Ipapamalas din dito ang samahang nabuo ng network sa masusugid nitong
mga manonood.

"Ang mga kwentong ito ay patuloy na magsisilbing inspirasyon sa
ABS-CBN sa pagtugon naming sa aming misyon na makapaglingkod sa bawat
Pilipino saan man sa mundo. Malaki ang aming pasasalamat sa kanila
dahil sa loob ng maraming taon ay pinatuloy nila kami sa kanilang
tahanan. Itinuturing naming isang malaking tagumpay ang pagtanggap sa
amin ng mga Pilipino. Umaasa kami sa mas marami pang taon na kasama
sila," sabi ni Robert Labayen, Head ng Integrated Creative
Communications Management

Pitong kwento ang mabusising sinaliksik at itinampok ng ABS-CBN
Creative Communications Management sa inaabangang station ID. Bawat
isa ay nakatanggap ng maagang pamasko at personal na pinasalamatan ng
piling Kapamilya stars.

Nariyan si Nanay Baby ng Isla Pulo na inabutan mismo ng anak-anakang
si Kim Chiu ng kanyang autographed picture at naka-bonding sa isang
buong maghapon kasama pa ang ka-loveteam ni Kim na si Xian Lim. Parang
mag-ina na ang turingan ng dalawa dahil minsan nang nakitira si Kim sa
tahanan ni Nanay Baby para sa programang "I Dare You." Kaya naman
ganun na lang ang galak ng ginang sa kanilang muling pagsasama.

Ang Queen of Pinoy Soap Opera naman na si Judy Ann Santos ang nagbigay
ngiti sa mga babaeng naging biktima ng pang-aabuso na kasalukuyang
bumabangon sa tulong ng Women's Crisis Center. Mismong si Juday ang
naghain sa kanila ng simpleng meryenda. Nagdala rin ang aktres ng
martial arts trainor para turuan sila ng basic self-defense.

Ang security guard ng ABS-CBN na si Gualberto Isla Jr. na nagbubukas
ng pintuan sa opisina ng Star Magic ay binigyang saya at pag-asa ni
John Lloyd Cruz nang bumisita ito sa kanilang tahanan sa Rizal para
magbigay ng pamasko. Si Guard Isla ay kinailangan huminto sa kanyang
pagtatrabaho para operahan ang kanyang mata. Tanging nais niya ay
makabalik na sa serbisyo para makapaghanap-buhay para sa kanyang
pamilya.

Samantala, nabigyang katuparan naman ni Enrique Gil ang hiling ng
habal-habal driver na si Cyril Perales na maipatikim sa kanyang
pamilya, sa unang pagkakataon, ang isang masaganang Noche Buena. Dala
ng hirap ng buhay, dalawang buwan kung pag-ipunan ni Mang Cyril ang
inihahaing Noche Buena sa pamilya taon-taon na spaghetti at tinapay.

Walang kaalam-alam ang OFW at breast cancer survivor na si Gemma
Solomon na dadayuhin siya sa Hong Kong ni Piolo Pascual para personal
na iabot sa kanya ang video messages mula sa kanyang pamilya sa Bicol.
Talaga namang naibsan ang pangungulila ni Gemma at ng iba pang OFW sa
Hong Kong sa sorpresang pagdating at pakikipag-bonding ng ultimate
heartthrob.

Ganoon din ang sorpresang hatid ni Gerald Anderson para naman sa war
veteran na si Simplicio Yoma na may dala ring mensahe mula sa
pamilyang nawalay sa kanya sa mahabang panahon. Personal ang tagpong
ito kay Gerald dahil tulad ni Simplicio, ang kanyang ama ay nasa
militar din.

Iba naman ang naging papel ni Sam Milby para sa TFC subscriber na si
Nanay Dely dahil kasabwat siya ng asawa nitong si Tatay Fermin sa
plano nitong mag-alok ng kasal sa asawa. Sa loob ng 50 years ay
magkasama na sina Nanay Dely at Tatay Fermin at ang isa sa
pinapangarap ng ginang ay maranasan ang isang marriage proposal.

Ang "Magkasama Tayo Sa Kwento Ng Pasko" ay sinulat ni Robert Labayen
sa saliw ng musikang nilikha nina Bojam De Belen, Thyro Alfaro, at
Jeli Mateo. Ito ay inawit ng "The Voice of the Philippines" coaches
Sarah Geronimo, Bamboo at Lea Salonga kasama ang Grand Winner na si
Mitoy Yonting at finalists na sina Klarisse De Guzman, Janice Javier,
at Myk Perez.

Ang 2013 ABS-CBN Christmas Station ID ay gawa ng ABS-CBN
Integrated Creative Communications Management sa direksyon nina Paolo
Ramos, Peewee Gonzales, Johnny Delos Santos at Carmelo Saliendra.
Kabilang sa bumubuo ng SID Creative and Production team ay sina
Danie Sedilla-Cruz, Edsel Misenas. Kathrina Sanchez, Dang Baldonado,
Sheryl Ramos, Love Rose De Leon, Christine Joy Laxamana, Carlota
Rosales, Adrian Lim, Christine Daria-Estabillo, Christian Faustino,
Mark Bravo, Shally Tablada, Jill Cabradilla, Madelle Balendo,
Raywin Tome; kasama sina Cookie Bartolome, Zita Aragon, Micah Rivera
ng ABS-CBN Marketing; ABS-CBN TV Entertainment, Integrated News and
Current Affairs Division, Regional Network Group, ABS-CBN Global,
Human Resources Division, Property Management Group, at Safety and
Security Division. Kasama rin sa team sina Jaime Porca, Technical
Production Head; Rommel Andreo Sales, Director of Photography; Nere
Ku, Production Designer; Oliver Paler, Karlo Victoriano, Bridge
Sulit, Danica Rueda, Maria Concepcion Ignacio, Post-Production Team;
Mary Ann Rejano, Remy Sotto, Talent Casters; Marvin Bragas, Location
Manager; at Jojo Medrano at Jen Esber, Production Coordinators.

No comments:

Post a Comment