Friday, November 15, 2013

“GANITO KAMI NOON, PAANO KAYO NGAYON” HD MAPAPANOOD NA SA MGA SINEHAN

Ang mas maganda at mas malinaw na kopya ng multi-awarded Filipino
historical drama na "Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon?" ay
mapapanood na sa mga piling sinehan simula ngayong linggo.

Muling saksihan ang obra ni Eddie Romero sa pangunguna nina
Christopher De Leon, Gloria Diaz, at Eddie Garcia sa mga espesyal na
screenings sa SM City North EDSA, SM Megamall, SM Manila, SM Fairview,
Robinsons Galleria, Robinsons Metroeast, at Market Market.

Ang "Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon?" ay ang ikatlong pelikula na
sumailalim sa restoration ng ABS-CBN Film Archives at Central Digital
Laboratory. Sinundan nito ang matagumpay na restoration ng pelikula ni
Ishmael Bernal na "Himala" at pelikula naman ni Peque Gallaga na "Oro
Plata Mata."

Tampok dito ang kwento ni Kulas (Christopher) at ang kanyang
pakikipagsapalaran sa Maynila. Sa kanyang daan papunta rito ay isang
pabor mula sa isang prayle ang kanyang pauunlakan nang hiniling nito
sa kanya na kunin at ibalik ang kanyang anak sa kanilang tahanan sa
siyudad.

Aanihin niya ang bunga ng kanyang ginawa at tatamasa ng karanyaan sa
kanyang bagong mundo. Sasanayin siya ni Tibor (Eddie Garcia) para
maging isang ganap na aristokrata ngunit sa kabila ng maginhawang
buhay ay tila hindi pa rin kuntento si Kulas lalo pa't hindi kayang
bilhin ng yaman ang tanging hinahangad niya— ang puso ng isang aktres
at pinakamamahal niyang si Diding (Gloria Diaz).

ABS-CBN Film Archives ang nanguna sa paggamit ng isang malawakang
kampanya para ipakilala ang luma at nairestore na pelikula sa
kasalukuyang mga manonood.

Sadyang namukod-tangi ang restoration campaign ng ABS-CBN kaya naman
ginawa itong modelo ng ibang archivists na miyembro ng Southeast
Asia-Pacific Audio Visual Archives Association (SEAPAVA) para gayahin
sa kani-kanilang bansa.

Kamakailan lang din ay pinarangalan ang ABS-CBN Film Archives ng
prestihiyosong International Association of Business Communicators ng
Philippine Quill Award para sa matagumpay nitong kampanya sa
pag-restore ng pelikulang "Himala."

Marami nang nai-restore at irerestore pa na pelikula ang ABS-CBN Film
Archives kabilang na ang 50 titulo mula Star Cinema tulad ng "Got to
Believe," "Milan," "Tanging Yaman," "Dekada 70," "Maalaala Mo Kaya,"
at "Sana Maulit Muli."

Dagdag pa ng head nito na si Leo Katigbak, "Hindi limitado ang
restoration efforts namin sa mga luman pelikula. Halimbawa nito ay
nang ginawa naming HD format ang "The Mistress." Ang lahat ng ginagawa
naming ay para ihanda ang aming mga content para masilayan pa ng
susunod na henerasyon ng mga manonood na Pilipino."

Para sa screening schedules ng "Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon?"
makipag-ugnayan sa mga nabanggit na mall. Abangan din ang espesyal na
dokumentaryong "Ganito Kami Muli" na nilikha ng Cinema One sa ABS-CBN.

No comments:

Post a Comment