Saturday, November 9, 2013

ARIELLA ARIDA, TINANGHAL NA 3rd RUNNER UP SA MISS UNIVERSE

Hinirang na 3rd runner up sa kakatapos lang na Miss Universe pageant
sa Crocus City Hall sa Moscow, Russia ang pambato ng Pilipinas na si
Ariella Arida habang ang pambato naman ng Venezuela na si Gabriela
Isler ang tinanghal na Miss Universe 2013.

Tinalo ng 24 anyos na beauty queen mula Laguna ang 80 pang ibang
kandidata nang pumasok ito sa top five kasama ang tinanghal na 1st
runner up na si Patricia Rodríguez ng Spain; 2nd runner up na si
Constanza Báez ng Ecuador; ar 4th runner up na si Jakelyne Oliveira ng
Brazil.

Damang dama ng mga Pinoy na tumutok sa kumpetisyon ng madaling araw
ang tensyon ng huling tawagin sa top 16 si Ariella matapos nitong
makuha ang pinakamataas na online votes.

Sunod na naman na rumampa si Ariella sa swimsuit competition. Suot ang
kanyang seksing red bikini, agaw eksena muna ang ginawang lakad na may
kasamang pag-ikot ni Miss Philippines bago tawagin papasok sa top ten.

Hindi nawala ang kumpyansa ng Chemistry graduate ng University of the
Philippines-Los Banos sa evening gown competition nang elegante nitong
pinarada ang suot na dilaw na gown. Matapos nito ay tuluyan na ngang
pumasok si Ariella sa top five.

Pagdating sa final question and answer, tinanong ng huradong si Tara
Lipinski si Ariella kung ano nararapat gawin tungkol sa kakulangan sa
trabaho sa mga kabataang nagsisimula pa lang ng kanilang mga karera
saan man sa mundo.

Buong puso namang sumagot si Ariella na, "For the people who have lack
of jobs, I do believe that we people should invest in education and
that is my primary advocacy, because we all know that if everyone of
us is educated and well aware of what we are doing, we could land into
jobs and we could land a good career in the future. Education is the
primary source and ticket to a better future."

Tanging si Ariella ang kandidatang sumagot ng Ingles at hindi gumamit
ng interpreter.

Ipinagpatuloy ni Ariella ang sunod sunod na pagkakapasok ng Pilipinas
sa top five matapos itong simulant ni Miss Universe 4th runner up
Venus Raj noong 2010. Sinundan ni Ariella ang yapak ni Shamcey Supsup
na nagwagi rin bilang 3rd runner up noong 2011. Nananatiling si Janine
Tugonon pa rin ang kandidatang pinakamalapit sa korona nang manalo
itong 1st runner up noong nakaraang taon kasabay ni Miriam Quiambao na
muntikan naman masungkit ang titulo noong 1999.

Ang "Miss Universe" ay inihatid live ng Kapamilya Network sa cable via
Velvet at via special telecast sa ABS-CBN. Ang ABS-CBN pa rin ang
opisyal na partner at tahanan ng Miss Universe Organization sa bansa.

Panoorin ang replay ngayong gabi sa Velvet, 7PM, at sa Sunday's Best
ng ABS-CBN, 10:45 PM.

No comments:

Post a Comment