Monday, November 18, 2013

ABS-CBNmobile, AALALAY SA MGA BIKTIMA NG YOLANDA SA PAMAMAGITAN NG PAMIMIGAY NG 100,000 SIM CARDS

Sa panahon ng kalamidad, pinakamahalaga ang koneksyon sa isa't isa
upang masiguro ang daan patungo sa pagbangon.

Kaya naman aagapay ang ABS-CBN sa muling pag-ahon ng mga biktima ng
bagyong Yolanda sa pamamagitan ng pamimigay sa kanila ng libreng SIM
cards ng mobile phone service nitong ABS-CBNmobile.

Inanunsyo ito sa "Tulong Na, Tabang Na, Tayo Na! An All-Star Benefit
Concert" na inere sa ABS-CBN noong Linggo (Nov 17) ng aktor na si
Piolo Pascual, na bida rin sa isang TV spot kasama ang ibang Kapamilya
stars na sina John Lloyd Cruz, Bea Alonzo, Kim Chiu, at Enrique Gil.

Mahigit sa 100,000 na SIM cards na may kalakip na relief packages ang
ipapamahagi ng ABS-CBNmobile sa pamamagitan ng Sagip Kapamilya sa mga
lugar na pinaka-naapektuhan ng bagyo.

Bawat SIM card ay may libreng prepaid load na P50, 15 free texts sa
lahat ng networks, at 5MB na Internet upang makausap ng Yolanda
survivors ang kanilang mga Kapamilya.

Para mas matulungan pa ang mga Kapamilya sa mga apektadong lugar,
magbebenta ng karagdagang 100,000 SIM cards ang ABS-CBN Mobile sa
Metro Manila at mga probinsiyang hindi nasalanta ng bagyo. Maaaring
makatulong ang publiko sa pamamagitan ng pag-share ng load sa mga
survivor ng Yolanda para sa tuloy-tuloy na komunikasyon hanggang sa
sila'y makaahon.

Bumili lang ng SIM card sa mga tindahan at tiangge at i-text ang
Share<space><amount> at i-send ito sa 2131 para mag-share ng load.
Maaaring mag-share ng P10, P20, P50, at P100.

Ang lahat ng load na makokolekta ay ibabahagi sa Yolanda survivors.
Para malaman kung magkanong load na ang na-share, i-text lang ang
Share<space>Status to 2131.

Samantala, nagsanib-puwersa naman ang ABS-CBNmobile at SkyCable bigyan
ng pagkakataon ang mga biktima ng bagyo na makapanood ng TV at
makausap ang kanilang mga mahal sa buhay sa pamamagitan ng calling
centers. Una itong itatayo ang mga ito sa Tacloban at ilulunsad sa iba
pang lugar na naapektuhan ng Yolanda. Magbibigay-serbisyo ang TV
viewing at text and calling stations hanggang sa bumalik na ang
kuryente at cellphone signal sa mga nasalantang lugar.

Para malaman kung saan maaaring makabili ng ABS-CBNmobile SIMs,
tumawag lang sa 7878 gamit ang inyong ABS-CBNmobile SIM card o sa
266-7878 sa landline.

1 comment:

  1. miss universe Barry Belda Otenatela in WWW.BARRYBELDAOTENATELA.CROWN

    ReplyDelete