Wednesday, September 25, 2013

3 ENTRIES NG DZMM, PAMBATO NG PINAS SA ABU PRIZES 2013

Tanging ang DZMM Radyo Patrol 630 lamang ang broadcast company sa
Pilipinas na pasok bilang finalist at makikipagpaligsahan sa tatlong
kategorya sa prestihiyosong Asia Pacific Broadcasting Union (ABU)
Prizes 2013 na gaganapin sa Hanoi, Vietnam ngayong Oktubre 28.

Makakatapat ni Ted Failon ang iba pang mamamahayag mula sa IRIB ng
Iran, ABC ng Australia at RNZ ng New Zealand sa Best On-Air
Personality Category para sa programa niyang "Failon Ngayon."

Nominado naman ang "Habagat," ang special news coverage nito sa
naganap na malawakang pagbaha at matinding pag-ulang naranasan noong
unang bahagi ng Agosto ng nakaraang taon para sa News Reporting
Category. Makakatunggali nito ang iba pang entries mula sa RTHK ng
Hong Kong, ABC ng Australia at RNZ ng New Zealand.

Makakalaban naman ng promo campaign nitong "DZMM Halalan 2013" noong
nagdaang eleksyon ang entries ng VOV ng Vietnam, RTM ng Malaysia at
Radio Broadcasting FM ng Bangladesh sa kategoryang Radio Special Jury
Prize.

Noong 2007 ay nakapag-uwi na ng karangalan ang DZMM mula sa ABU Prizes
na ginanap noon sa Tehran, Iran. Nakuha ng "Alas-Onse Y Media," na
ngayon ay RPB Alas Dose ang ABU Prize para sa News Program (Radio)
dahil sa coverage nito sa pananalasa ng bagyong Reming sa Bicol.

Itinatag noong 1964, ang ABU ay isang non-profit, non-government at
professional association na may 255 miyembro mula sa 63 bansa. Layunin
nitong paunlarin ang industriya ng pamamahayag.

No comments:

Post a Comment