Saturday, July 6, 2013

PINAKAMAGANDANG LOVE STORY NG ASYA, MAPAPANOOD NA SA “THAT WINTER, THE WIND BLOWS”

Isasalaysay na ang pinakamagandang love story ng Asya ngayong 2013 sa Philippine TV simula Lunes (July 8)  tampok ang pinakalamaking Asian superstars na sina Song Hye Kyo at Jo In Sung sa pag-uumpisa ng dekalibreng Asinanovela na "That Winter, The Wind Blows" sa Primetime Bida ng ABS-CBN. 

Nagbabalik-telebisyon si Jo In Sung, na unang minahal ng mga Pilipino bilang si Paolo sa seryeng "Memories of Bali," matapos ang walong taon para gampanan ang papel ng bad boy na si Xander katambal ang Hallyu Superstar ng kanyang henerasyon at isa sa tinaguring Korea's most beautiful women na si Song Hye Kyo na gaganap naman bilang herederang bulag na si Yonna sa naiibang kuwento ng pag-ibig hango sa Japanese drama na "I Don't Need Love." 

Sundan kung paano pag-aalabin ng pag-ibig ang nanlalamig na mga puso ng dalawang taong magkaiba ang pinagmulan ngunit pagtatagpuin ng tadhana sa iisang landas. 

Isang lalaking walang direksyon sa buhay at lulong sa sugal si Xander at may masalimuot ng na nakaraan dahil inabandona lang ito ng tunay na ina sa ilalim ng isang puno. Malalagay siya sa alangin at mababaon ng pagkakautang sa isang gambling lord  kaya naman wala na siyang maisip na paraan para masalba ang sarili kung hindi sa pamamagitan ng pagpapanggap bilang nawawalang kapatid ng mayamang heredera na si Yonna, na nataong eksaktong kapangalan niya. 

Sasamantalahin ni Xander ang kawalan ng  paningin ni Yonna at itatago ang katotohanan dito na ang tunay niyang kapatid at matalik na kaibigan na si Xander ay patay na. 

Ngunit hindi magiging madali kay Xander na bilugin ang ulo ni Yonna dahil alam ng dalaga na pera lang ang habol ng inaakala niyang tunay niyang kapatid. Paglalapitin ang mga loob nila ng pagkakataon at ang dapat sana'y planong panlilinlang at pagkamkam ng yaman ay mauuwi sa hindi plinanong pagmamahalan. 

Paano itatama ni Xander ang pag-iibigang nagsimula sa kasinungalingan? Paano ipapadama ang pagmamahal sa isang babaeng ang trato sa kanya ay kapatid? Matanggap kaya siya ni Yonna sa kabila ng kanyang pagpapanggap? 

Hindi pa man umeere ay naibenta na sa karamihan sa mga bansa sa Asya ang "The Winter, The Wind Blows" na siyang pinakapinag-usapang serye sa rehiyon noong ipalabas ito sa Korea sa simula ng taon. Talaga namang pinaghandaan ang produksyon nito dahil pampelikula ang ginawang atake ng 2013 Baeksang Arts Awards Best Director na si Kim Kyu-tae rito. Ginastusan ang mga HD camera na ginamit sa shoot at mabusising sumailalim sa post-production correction ang bawat eksena. Dahil sa naiibang kalibre ng serye kung kaya't ginawaran ito kamakailan ng Silver Award for Best Foreign TV Series sa ginanap na Shanghai Television Festival. 

Huwag palalampasin ang pag-uumpisa ng "That Winter, The Wind Blows" ngayong Lunes (July 8) pagkatapos ng "Huwag Ka Lang Mawawala" sa Primetime Bida ng ABS-CBN.

Para sa karagdagang updates, sundan ang @Kapamilyanovela sa Twitter o i-like ang official Kapamilyanovela Facebook page sa http://www.facebook.com/ABSCBNKapamilyanovelas.

No comments:

Post a Comment