Tuesday, July 16, 2013

CHECHE LAZARO, KIKILATISIN KUNG NALUTAS NG ‘PANTAWID PAMILYA’ ANG KAHIRAPAN SA BANSA

Sa bisperas ng state of the nation address (SONA) ni Pangulong Aquino, bubusisiin sa isang dokumentaryong hatid ng "Cheche Lazaro Presents" ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps na nilaanan ng P44 bilyon ng pamahalaan para puksain ang kahirapan. Bagamat limang taon na itong tumutulong at nagbibigay sustento para sa edukasyon at kalusugan sa pinakamahihirap na pamilya sa bansa, patuloy pa rin itong binabatikos ng ilan. Ayon sa mga kritiko, ginagawang tulay ng ilang lider ang 4ps para mas makaani ng suporta ng masa.

Dahil dito, sasaliksikin ni Cheche Lazaro mula mismo sa mga benepisyaryo nito ang naging epekto at kung paano nabago ng 4Ps ang buhay nila. Bibisitahin ni Cheche ang isang iskwater sa Navotas kung saan itatampok ang dalawang pamilyang may magkasalungat na karanasan ukol sa programa. Iimbestigahan din ang mga reklamong binabawasan o kadalasan ay walang natatanggap na pera ang mga benepisyaryo sa Tigaon, Camarines Sur.

Sa ngayon, nasa 3.9 milyong pamilya na ang benepisyaryo ng 4ps na ibinase sa matagumpay na programang conditional cash transfer (CCT) sa Latin America. Ang bersyon ng CCT ng Pilipinas ang may pinakamalawak na saklaw o pinakamaraming benepisyaryo sa Asya at pangatlo naman sa buong mundo. Ayon kay Pangulong Aquino, hangarin ng 4ps na paabutin hanggang 4.6 milyong pamilya o 28 milyong mahihirap ang makinabang sa programa sa taong 2015. 

Ilalarawan ni Cheche Lazaro ang iba't-ibang mukha ng naturang programa na siyang pangunahing tugon ng administrasyong Aquino sa kahirapan. Mula mismo sa mga panayam sa mga nakinabang sa 4ps at mga tao sa likod programang ito ay matutunghayan ang kuwento ng pagbangon at pag-asa ng bawat Pilipino sa kahirapan dahil na rin sa pangako ng administrasyong puksain ang kurapsyon. 

Ang 4Ps ba sa administrasyong Aquino ang isa sa mga naging daan ng pag-angat ng ekonomiya ng bansa? 

Samantala, maglog-on sa www.abs-cbnnews.com/aquinopromises upang mas maging updated sa mga kaganapan sa pulitika at sa nalalapit na ikaapat na SONA ni Pangulong Aquino. Bukod dito, layunin din ng website na suriin, sa pamamagitan ng mga poll, kung alin sa kanyang mga pangako natupad at napako ngayong nangalahati na ang kanyang termino. Maari ring balikan ang tatlo pang nagdaan niyang SONA sa mga video coverage nito na nakaupload din sa website.

Huwag palampasin ang "Cheche Lazaro Presents: Pantawid sa Daang Matuwid" ngayong Linggo (Hulyo 21) pagkatapos ng "Gandang Gabi Vice" sa Sunday's Best ng ABS-CBN.

No comments:

Post a Comment