Tuesday, July 30, 2013

ALEX GONZAGA, BIBINYAGAN SA HEAVY DRAMA SA KANYANG UNANG PAGGANAP SA “MMK”

Sasabak sa matinding drama ang nagbabalik-Kapamilya at actress-host na si Alex Gonzaga sa kanyang kauna-unahang "Maalaala Mo Kaya" na ipalalabas ngayong Sabado (Agosto 3).

Gagampanan ni Alex ang karakter ni Pinky, isang mapagmahal at matulunging bata sa kanyang tiyo at tiya na umampon sa kanya upang mapagtapos siya ng pag-aaral. Dahil sa labis na atensyon na ibinibigay kay Pinky, matinding selos ang naramdaman ng kanyang pinsan at itinuturing na ate na si Rene (Dimples Romana). Ginawang miserable ni Rene ang buhay ni Pinky habang lumalaki sila. Nasasaktan man, piniling manahimik ni Pinky dahil sa pagnanais na maka-graduate sa kolehiyo. Sa paglipas ng panahon, naging manhid man na si Pinky sa pisikal at emosyonal na pananakit na ibinibigay sa kanya ni Rene; ginamit niya ang sakit na ito bilang inspirasyon upang lalong makamit ang pangarap niyang maging matagumpay sa buhay.

Kasama ni Alex sa kanyang "MMK" debut sina Dimples, Maila Gumila, Lito Pimintel, Daisy Reyes, Alan Paule, Guji Lorenzana, at Slater Young. Gaganap naman bilang batang Pinky ang Kapamilya child wonder na si Xyriel Manabat, samantalang ang teen star na si Miles Ocampo ang gaganap na batang Rene. Ang upcoming episode ay sa ilalim ng pananaliksik ni Alex Martin, panulat ni Joan Habana, at direksyon ni Don Cuaresma.

Huwag palampasin ang undisputed no. 1 drama anthology sa buong Pilipinas, "Maalaala Mo Kaya" (MMK), tuwing Sabado, pagkatapos ng "Wansapanataym" sa ABS-CBN. Para sa iba pang updates, mag log on sa www.mmk.abs-cbn.com, sundan ang @MMKOfficial sa Twitter, at i-"like" ang www.facebook.com/MMKOfficial.

No comments:

Post a Comment