Thursday, June 13, 2013

PIOLO AT DIETHER, NANATILING MGA SOLID KAPAMILYA

Muling pumirma ng kontrata ang mga heartthrob na sina Piolo Pascual at Diether Ocampo sa ABS-CBN kasama ang anim pang mga bituin.

"Hindi lang tungkol sa career ang kontratang ito. Simbolo rin ito ng pagkakaroon ng tahanan, at isa pang oportunidad para makapagpapasaya ng kapwa," pahayag ni Piolo. 

Lubos ang pasasalamat ng aktor sa kabi-kabilang proyekto at mainit na suporta ng fans na natatanggap niya. Kaya nagbabalak siya na bago matapos ang 2013, mahandugan niya ang fans ng isang konsiyerto para rin ipagdiwang ang kanyang ika-15 na anibersaryo sa showbiz ngayong taon. 

Kasabay niyang nag-renew ng kontrata sa istasyon ang hunk na si Diether Ocampo na isang solid Kapamilya mula 1995. 

"Napaka-symbolic ng contract signing na 'to. Hindi ko na alam kung gaano katagal na ako sa industriya pero laking pasasalamat ko sa ABS-CBN at sa mga sumusuporta sa akin. Sila ang dahilan bakit nandito pa rin ako," sabi ni Diether. 

Ang ibang pang male stars na nag-renew ng kontrata ay sina Carlo Aquino, Zanjoe Marudo, Jason Gainza at Jason Abalos. 

Abot-langit naman ang galak ng award-winning actor na si Carlo Aquino sa pagbabalik-Kapamilya nito lalo na sa mga proyektong inihanda para sa kanya ng istasyon. Kasama na rito ang humahataw sa ratings na "Annaliza" kung saan gumaganap siya bilang kontrabida. 

"Hindi kami pinapabayaan ng ABS-CBN at Star Magic kaya gagalingan ko pa ang pagpapatawa at pagpapaiyak sa ating mga Kapamilya," pahayag ni Jason Gainza na mainstay ng gag show na "Banana Split" at teleseryeng "Ina, Kapatid, Anak." 

Nagsipirma rin sa Kapamilya network ang rising stars na sina Julia Barretto at lead star ng "Annaliza" na si Andrea Brillantes. 

Ibinahagi ni Diether kina Julia at Andrea ang kanyang mga natutunan sa showbiz. "Sa industriyang ito, importante ang humility. Dapat ding pahalagahan ang mga taong nakaka-appreciate sa 'yo, pati ang mga ayaw at bumabatikos sa 'yo kasi sa kanila ka matututo," pahayag ni Diether.

Samantala, kinumpirma ni Jason Abalos sa event na kasama siya sa cast ng remake ng Mexican telenovelang "Maria Mercedes" kung saan tampok sina Jessy Mendiola at Jake Cuenca. Bibida naman si Julia sa TV remake ng "Cofradia" na pelikulang pinagbidahan ni Gloria Romero noong 1953. 

Dumalo sa contract-signing sina ABS-CBN CEO at president Charo Santos-Concio, broadcast head Cory Vidanes, TV production head Laurenti Dyogi, TV production business unit head Ruel Bayani at Star Magic consultant Johnny Manahan.

No comments:

Post a Comment