Sunday, June 9, 2013

"FOUR SISTERS AND A WEDDING," SPECIAL KICK-OFF MOVIE TREAT NG STAR CINEMA PARA SA KANILANG 20TH ANNIVERSARY

Sa selebrasyon ng dalawampung taon ng pagbibigay buhay, pag-ibig, at pag-asa sa pinilakang tabing, isang engrandeng regalo ang paunang handog ng Star Cinema sa buong sambayanan--ang powerhouse light family drama film na "Four Sisters and A Wedding" na pinagbibidahan ng lima sa pinakasikat at pinakamahuhusay na bituin ngayon na sina Bea Alonzo at Toni Gonzaga at Angel Locsin, Enchong Dee, Shaina Magdayao. Ang "Four Sisters and A Wedding" ay mapapanood na sa mga sinehan nationwide sa June 26, 2013.

Ang "Four Sisters and A Wedding" ay obra maestra ng box-office director na si Cathy Garcia-Molina na siya ring nagdirek ng ilan sa highest grossing Filipino movies of all time kabilang ang tinaguriang 'most successful romantic-comedy trilogy' na "A Very Special Love," "You Changed My Life," at ang kapapalabas lamang na "It Takes A Man and A Woman." 

Ang special kick-off movie treat ng Star Cinema na "Four Sisters and A Wedding" ay kwento ng magkakapatid na Salazar na sina si Teddie (Toni), ang panganay na nagtatrabaho sa Spain bilang teacher; si Bobbie (Bea), na matagumpay na sa New York; si Alex (Angel), na isang Manila-based independent film assistant director; si Gabbie (Shaina), isang school teacher na nakatira sa kanilang bahay kasama ang kanilang ina; at si CJ (Enchong), ang bunso at nag-iisang lalaking kapatid ng Salazar sisters na ginulat ang lahat nang ibalitang magpapakasal na siya sa girlfriend niya nang tatlong buwan na si Princess. 

Matapos ang ilang taong pagkakawalay, muling magsasama-sama ang Salazar sisters upang pigilin ang kasal ng kanilang 'baby brother.' Ngunit kasabay ng muling pagkakabuo ng kanilang pamilya ay ang muli ring paglutang ng mga damdamin at isyung pilit nilang itinago mula sa isa't isa sa matagal na panahon. 

Hindi pa nga ba handang tanggapin ng 'four sisters' ni CJ na mag-aasawa na siya? Kailangan nga ba nilang ayusin ang buhay ng kanilang bunsong kapatid? O mas kailangan nilang ayusin ang kani-kanilang buhay? 

May special participation sa "Four Sisters and A Wedding" sina Coney Reyes, Angeline Quinto at Sam Milby. Bahagi rin ng pelikula sina Carmi Martin, Buboy Garovillo, Bernard Palanca, at Janus del Prado. 

Isang hindi malilimutang light family drama tungkol sa relasyon ng pamilya, samahan ng magkakapatid, at hindi masusukat na pagmamahal; ang "Four Sisters and A Wedding" ay mapapanood na sa mga sinehan nationwide sa June 26, 2013. 

Para sa karagdagang impormasyon at pinakabagong updates tungkol sa "Four Sisters and A Wedding," bisitahin lamang ang www.StarCinema.com.ph,http://facebook.com/StarCinema at http://twitter.com/StarCinema.

No comments:

Post a Comment