Wednesday, May 29, 2013

PINAKAMATINDING TALENT SHOWDOWN, MASASAKSIHAN SA “PILIPINAS GOT TALENT” GRAND FINALS

Mangyayari na ang pinakamatinding sagupaan ng talento sa telebisyon ngayong Sabado (June 1) at Linggo (June 2) sa inaabangang grand finals ng pinakamalaki at pinakaenggrandeng talent reality show sa bansa na "Pilipinas Got Talent" na gaganapin live sa PAGCOR Grand Theater sa Paranaque.

Mula sa 29,000 lumahok sa worldwide at online auditions, anim na lang ang natitira para maglaban-laban sa titulo bilang ikaapat na PGT grand winner at mag-uuwi na P2 million cash prize na kinabibilangan ng daring dancers mula sa Batangas na D' Intensity Breakers; ringman mula Tondo na si Frankendal Fabroa; driving heartthrobs mula Maynila ng Lateral Drift Productions; naiibang acoustic trio mula Davao  MP3 band; child prodigy mula Bukidnon na si Roel Manlangit; at blacklight dancers mula Pasig na Zilent Overload.

Season one pa lang ay kilala na ang PGT hindi lamang sa pagtupad ng mga pangarap ng lahat ng tatapak sa PGT stage kung hindi pati na rin sa pagbabago ng kanilang mga buhay sa iba't ibang paraan.

Tulad na lang ng grupong D' Intensity Breakers na handang gawin lahat para manalo kahit na sumayaw pa sila na bali ang braso, na siyang ginawa ng isa sa kanila noong nakaraang quarterfinals. Nabuo ang grupo sa isang kilalang plaza sa Lipa, Batangas sa pamumuno ng kanilang lider na si Arjay. Karamihan sa kanila ay wala pang masyadong alam sa pagsasayaw o sa pagsasagawa ng buwis buhay na stunts noon pero nagsikap silang lahat na matuto. Araw araw ay pinagsasabay nila ang hilig sa pagsayaw at paghahanap buhay lalo pa't ang iba sa kanila ay nagtatrabaho bilang magbabalot, barker ng jeep, nangongolekta ng basura, nagbebenta ng fishball, atbp.

Kung ang boys ng D' Intensity Breakers ay nagbabanat ng buto sa lansangan, si Frankendal Fabroa naman ay kumayod sa ibang bansa at pumunta pa ng Japan para mabigyan ng magandang buhay ang kanyan pamilya. Sumikat dahil sa kanyang kakaibang metal ring dance act, ang single dad mula Tondo ay marami na ring pinagdaanang unos sa buhay tulad na lang ng paghihiwalay niya ng kanyang asawa at pagkamatay ng isa niyang anak. Dahil sa PGT, muli silang nagkausap ng kanyang asawa.

Para naman sa poging drifters na sia Gio at Ralph ng Latera Drift Productions, maaring nakaangat sila sa buhay ngunit pareho lang din ang kagustuhan nilang maiuwi ang tagumpay sa PGT tulad ng ibang grand finalists. Binatilyo pa lamang ay nangangarera na ang dalawa. Ang pagkakasali nila sa PGT ay gumawa ng kasaysayan dahil sila ang pinakaunang car drifting act sa programa. Sa kanilang angking gandang lalaki at natatanging talento, hindi na nakapagtataka kung ba't mabilis silang sumikat lalo na sa mga kababaihan.

Samantala, pinakahihintay naman na break nina Aries, LJ, at Makoy ng Mp3 banda ang pagkakasali sa PGT. Layon nila na makagawa ng bagong genre sa musika kung saan pinagsama-sama ang acoustic guitar, rap, karaniwang Pinoy music, at beatboxing. Hindi pa man sila nananalo ay nakabuo na sila ng malakas na fan base online.

Isa ring palaban para patunayan ang sarili ang 13 taong gulang na si Roel Manlangit. Hindi na iba sa pinakabatang grand finalist ng PGT season four ang kasikatan dahil una nang gumawa ng ingay ang kanyang pangalan bilang isang singing Internet sensation. Umani na ng mahigit 2 milyon ang views sa kanyang video sa YouTube at dumadami pa ang kanyang local at international fans. Determinado ang binatilyong singer na maiahon ang pamilya mula sa malaking dagok na kanilang pinagdaanan nang inanod ng bagyong Pablo ang kanilang tahanan.

Tuluyan namang nabago ang buhay ng Zilent Overload, na siyang pinakamalaking grupo ngayong sa PGT na may 39 miyembro, ng mapasama sa finalists ng PGT. Tulad ng kanilang black light dance act na ginagawa sa dilim, may madilim din silang pinagdaanan sa buhay lalo na ng lahat sa kanila ay naging biktima ng hagupit ng bagyong Ondoy at Habagat. Sa kabila nito, ibinangon nila ang kanilang sarili at nagsikap para maipaglaban ang kanilang hilig sa pagtatanghal. Dati'y nangangalakal sila ng basura para lang makabili ng props at costumes ngunit matapos silang mapanood sa PGT ay madali na silang naka-solicit ng tulong mula sa kanilang mga kapitbahay at mga kaibigan.

Nasa kamay na ng publiko ang kapalaran ng anim na grand finalists dahil ang tatanghaling mananalo ay ibabase sa resulta ng pinagsamang online at text votes.

Sino sa kanila ang magwawagi? Sino ang mapapabilib ang Big Three judges na sina Kris Aquino, Ai Ai Delas Alas, at Freddie "FMG" Garcia? Sino ang susunod sa yapak nina Jovit Baldivino ng PGT 1, Marcelito Pomoy ng PGT 2, at Maasinhon Trio ng PGT 3?

Huwag palalampasin ang final performance night ng "Pilipinas Got Talent" sa Sabado (June 1), pagkatapos ng "MMK," at alamin kung sino ang ikaapat na PGT grand winner na itatanghal sa final results night sa Linggo (June 2), pagkatapos ng "Rated K" sa ABS-CBN. I-tweet ang inyong mga opinion gamit ang hashtag na #PGT4.

No comments:

Post a Comment