Thursday, April 18, 2013

MARICEL LAXA-PANGILINAN, BAGONG KAAGAPAY NG PAMILYANG PILIPINO SA “KAPAMILYA KONEK” NG DZMM

Sasabak sa radyo ang celebrity mom at parenting advocate na si Maricel Laxa-Pangilinan upang pagbuklurin ang bawat pamilyang Pilipino at gabayan sila sa kanilang mga problema sa pinakabagong programa ng DZMM na "Kapamilya Konek" na magsisimula na ngayong Linggo (Abril 21), 5 PM.

Nagbabalik-Kapamilya si Maricel upang maghatid ng serbisyo publiko at makabuluhang talakayan linggu-linggo na aniya'y isang pambihirang pagkakataon na ibinigay sa kanya ng DZMM.

"Tinanggap ko ang programa dahil malapit ito sa ginagawa ko at gusto kong maipalaganap ang advocacy ko sa pamamagitan ng radyo. Mas maraming tao rin ang maaabot nito," aniya.

Kilala si Maricel bilang isang hands-on mom sa kanyang limang anak at nakapaglathala na rin ng tatlong children's books. Nagtapos siya ng Master's Degree sa Family and Life Development mula sa UP Diliman at aktibo sa mga usapin ukol sa kalusugan, tamang nutrisyon, at edukasyon.

Sa "Payong Kapamilya" segment ng programa, tatalakayin ang mga suliranin sa tahanan kasama ang isang live guest na siya namang idudulog sa mga expert para sa payong propesyunal.

Magsisilbi namang tulay ang segment na "Konek sa Korek" para sa mga tagapakinig at manonood na may katanungan at nangangailangan ng gabay mula sa iba't ibang organisasyon, pati na mga pribado at pampublikong ahensiya.

Samantala, pagtatagpuin sa "Kapamilya Konek" ang magkakapamilyang pinaghiwalay ng kahirapan, trabaho, o tadhana sa loob o labas man ng bansa sa pamamagitan ng libreng kamustahan on-air o libreng pamasahe para sa kanila.

Tampok din sa programa ang guro na si Tina Zamora para himayin ang mga isyu sa eskwela ng mga bata, at ang "Family Friendly Ito!" segment kung saan magbibigay ng mga suhestiyon para sa abot-kaya, ligtas, at nakakalibang na bonding activities para sa buong mag-anak.

Dagdag pa ni Maricel, isa ring award-winning actress, na malaking responsibilidad para sa kanya at ng asawa niyang si Anthony Pangilinan na ituring na huwaran ng marami ang kanilang pamilya.

"Isa itong malaking karangalan pero pressure din para sa amin. Hindi kami perfect pero sineseryoso namin ang pagpapalaki sa aming mga anak. Madami kaming gustong ibahagi, pero ang pinakamalapit sa aming puso ay ang turuan ang mga bata na mahalin ang kanilang mga magulang at ituring silang role models," dagdag ni Maricel.

Huwag palampasin ang "Kapamilya Konek" kasama si Maricel-Laxa Pangilinan tuwing Linggo, 5 PM sa DZMM Radyo Patrol 630, DZMM TeleRadyo (SkyCable Channel 26), at dzmm.com.ph. Para sa updates, i-like ang www.facebook.com/kapamilyakonek o sundan ang @konekkadyan sa Twitter.

No comments:

Post a Comment