Sunday, February 10, 2013

TONI GONZAGA, KUMPIRMADONG HOST NG ‘THE VOICE OF THE PHILIPPINES’

Pangungunahan ng Ultimate Multimedia Star na si Toni Gonzaga bilang host angThe Voice of the Philippines, ang inaabangang Philippine adaptation ng worldwide hit singing competition na The Voice na mapapanood sa ABS-CBN. 

"Ito ay isang singing competition na may kakaibang konsepto. Ipapamalas namin dito ang husay ng mga Pilipino sa larangan ng pag-awit sa paraang hindi niyo pa nakikita sa telebisyon," pahayag ni Toni. 

Isa si Toni sa pinakahinahangaang TV host sa bansa ngayon, matapos siyang maging mukha ng reality shows na Pinoy Big Brother at Pinoy Dream Academy, at mapabilang sa noontime show na Happy Yipee Yehey at showbiz talk shows naEntertainment Live at The Buzz. Isa rin siyang tinitingalang TV at movie actress, certified recording star, sold-out concert performer, covergirl, at pinagkakatiwalaang product endorser. 

Si Toni ang magiging Pinoy counterpart ni Carson Daly na siya namang host sa pinakakilalang US edition ng The Voice kung saan celebrity coaches sina Christina Aguilera, Adam Levine, Cee Lo Green, at Blake Shelton. 

Ang The Voice ay isang naiibang singing competition dahil sasalain ang mga papasa sa auditions nito base lang sa boses at husay umawit ng contestant. Ang unang stage ay tinatawag na "blind auditions" kung saan kailangan pakinggan ng apat na coaches ang bawat contestant nang hindi humaharap dito. Sa oras na nais ng coach na kunin at mapabilang sa kanyang team ang contestant, pipindutin niya ang kanyang button at iikot ang kanyang upuan para makita ang mukha sa likod ng boses na nakabihag sa kanya. 

Kailangan mamili ang bawat coach ng contestants para makabuo ng kanilang koponan. Gagabayan nila bilang coach ang bawat mapipili nila at pagsasabungin ang magkakagrupo sa second round na tinatawag na "battle rounds." 

Matapos ang pagalingan sa pag-awit sa naturang round ay pipili ang coach ng singer na uusad sa susunod na labanan— ang live performance shows. Sa round na ito, taong bayan na ang pipili at sasagip sa kanila mula sa eliminasyon sa pamamagitan ng pagboto. Sa huli, ang bawat coach ay may tig-iisang manok na matitira na paglalaban-labananin sa grand finals. 

Hindi tulad ng ibang Kapamilya talent shows na Pilipinas Got Talent at The X Factor Philippines, boses ang pangunahing puhunan para makapasok sa The Voiceof the Philippines. 

Pakinggan ang boses ng sambayanang Pilipino! Para sa detalye ng auditions, i-like ang official Facebook page ng programa sa www.facebook.com/TheVoiceABSCBNo sundan ang @TheVoiceABSCBN sa Twitter.

No comments:

Post a Comment