Thursday, February 7, 2013

MGA BAGITO AT BETERANONG KANDIDATO, MAGBABANGGAAN SA DZMM HAHALAN FORUM NGAYONG SABADO

Sa pagpili ng mga susunod na lider, sino nga ba ang mas mapapagkatiwalaan? Ang "beterano" na 'di matawaran ang karanasan at kaalaman sa sistemang pulitikal, o ang "bagito" na maaaring magsimula ng inaasam na pagbabago sa bansa? 

Makikilala na ang pagkatao at layunin para sa bayan ng mga bagito at beteranong kandidato para sa iba't ibang posisyon sa darating na halalan sa "Bagito o Beterano? The DZMM Halalan 2013 Forum" ngayong Sabado (Feb 9), 4 PM sa University of the East - Recto Main Theater at sabayang mapapakinggan at mapapanood sa DZMM Radyo Patrol Sais Trenta, DZMM TeleRadyo atdzmm.com.ph

Sa panig ng mga beterano, kakatawan ang senatorial candidates na sina dating senador Ernesto Maceda at Jun Magsaysay, gayundin sina Cong. Jack Enrile, Cong. Sonny Angara at Mayor Alfredo Lim na muling tatakbo bilang alkalde ng Maynila. Mula naman sa mga bagito, ang senatorial candidates na sina Grace Poe, Bro. Eddie Villanueva, Bam Aquino, ang kandidato para sa pagka-gobernador sa Masbate na si Fr. Leo Casas, at ang dating reporter na si Sol Aragones, na tatakbo sa pagiging kinatawan sa Kongreso ng 3rd District ng Laguna. 

Anu-ano ang posisyon nila sa mga kontrobersyal na isyu sa lipunan at paano ito naaapektuhan ng kanilang karanasan sa pulitika?

Isa lamang ang "Bagito o Beterano: The DZMM Halalan 2013 Forum" sa mga serye ng election specials na ilulunsad ng numero unong AM radio station sa Mega Manila upang bigyan ng sapat na kaalaman ang mga botante kung sino ang dapat na piliin para sa mga posisyon sa pamahalaan.

Bukod pa rito, isasalang naman nina Anthony Taberna at Gerry Baja ang mga senatorial candidate sa mga masususing tanong kada Lunes sa "Dos Por Dos," at kikilatisin  ang kanilang mga layunin para sa bayan.

Tutukan din sina Alvin Elchico at Atty. Katrina Legarda sa "Suriang Bayan" ng "S.R.O.: Suhestiyon, Reaksyon, Opinyon" tuwing Biyernes, kung saan hihimayin nila ang iba't ibang isyu ukol sa paparating na halalan at kakapanayamin ang ilang Comelec officials upang sagutin ang mga ito.

Samantala, itinanghal na paboritong AM radio station ng Pinoy netizens sa buong bansa ang DZMM Radyo Patrol 630 sa isang online na botohang isinagawa ng top entertainment blogs na Showbiznest, LionHearTV, at Starmometer. Hinirang itong Favorite AM Radio Station sa tinaguriang Netizens' Choice Awards matapos makuha ang higit sa 60% ng mga nakalap na boto simula noong Nobyembre 2012.

Huwag palampasin ang "Dos Por Dos," 5:30 PM at ang "S.R.O.,"  7:30 PM mula Lunes hanggang Biyeres sa DZMM Radyo Patrol 630, DZMM TeleRadyo (SkyCable Channel 26), at dzmm.com.ph.

No comments:

Post a Comment