Thursday, February 21, 2013

LEA SALONGA, BALIK TELEBISYON BILANG COACH SA ‘THE VOICE OF THE PHILIPPINES’

Muling magbabalik sa telebisyon ang Broadway star na si Lea Salonga, matapos ang kanyang matagumpay at patuloy na namamayagpag na international career para maging isa sa mga coach ng pinakainaabangang singing competition na The Voice of the Philippines.

"Bilang coach, magiging tapat at totoo ako gaya ng aking natutunan sa 35 taon kong karanasan sa industriya," sabi ni Lea sa TV plug na inere ng ABS-CBN noong Miyerkules (Pebrero 20) na opisyal na nagkumpirma sa publiko na bahagi siya ng naiibang singing competition.

Nagsimula si Lea bilang isang child stage actress at singer bago naging isang Tony-award winning Broadway star para sa kanyang pagganap sa Miss Saigon. Ngayon ay sasamahan niya ang Popstar Royalty na si Sarah Geronimo at Rock Superstar na si Bamboo sa umiikot na coaches' chairs at bubuo rin ng sariling koponan ng mga contestant na kanyang sasanayin upang isa sa kanila ay tanghaling "The Voice of the Philippines." 

"Kapag blind auditions tenga lang ang basehan. Gusto ko yung apinadong singer 'yung hindi masisintunado. Hindi pwedeng ituro ang pagiging nasa tono, either you are or you are not. If you are not, I will say goodbye na lang to you… Naniniwala akong maraming talentadong mga tao riyan," dagdag pa ni Lea.

Sino ang mapapabilang sa Team Lea? At sino kaya ang ikaapat na coach na uupo sa panel? 

Abangan ang The Voice of the Philippines malapit na sa ABS-CBN. Para sa updates at audition schedules mag-logon sa www.thevoice.abs-cbn.com, i-like Facebook page sa www.facebook.com/thevoiceabscbn, o i-follow ang @thevoiceabscbn sa Twitter.

No comments:

Post a Comment