Friday, February 22, 2013

LABAN NG MGA PACQUIAO SA PULITIKA, BUBULATLATIN SA “KAMPANYASERYE”

Sa rambulan sa ring, kilalang People's Champ si Manny Pacquiao. Pero sa pulitika, bakit tila kasabay niyang nagte-training ang asawa't kapatid niya? Nagbubuo na rin nga ba sila ng Team Pacquiao sa pulitika? 

Iyan ang sasagutin ni Jorge Carino sa pinakabagong handog ng KampanyaSerye ng ABS-CBN News and Current Affairs na pinamagatang "Pacquiao-an" simula Lunes (Feb 25) sa "TV Patrol." 

Matapos maknock-out kay Rep. Darlene Antonino-Custodio noong 2007 sa labas para maging kinatawan ng unang distrito ng South Cotabato, bumawi si Pacquiao nang manalo siya sa Kongreso noong 2010, hindi sa South Cotabato, kung hindi sa hometown ng asawang si Jinkee na Saranggani province. Muli siyang tatakbo sa parehong pwesto ngayong 2013 ng walang kalaban. 

Ngunit tila maliit ang Saranggani para itulak ang kanyang mas malaki pang ambisyon sa pulitika sa hinaharap. 

Malakas nga ang haka-hakang nakatuon ang mata ni Pacman sa pagtakbo sa Senado sa 2016 kaya naman sinisimulan na umano nitong paandarin ang kanyang makinarya sa pulitika sa pagpapatakbo ng kanyang asawang si Jinkee bilang vice governor ng Saranggani habang ang kanyang kapatid na si Rogelio, na kasalukuyang barangay captain sa General Santos city, ay tatakbo naman sa Kongreso bilang kinatawan ng South Cotabato. 

Maugong din ang banggaan ng mga Pacquiao sa maimpluwensiya rin sa pulitika na mga Antonino. Makakalaban ni Rogelio si incumbent  Rep.Pedro Acharon Jr. na kaalyado ng mga Antonino habang ang dating nakalaban ni Pacquiao na si Darlene Antonino-Custodia ay si councilo Ronnel Rivera na mismong pinili ni Pacman para sa kandidatura. 

Magtagumpay kaya si Pacquiao sa pagsisimula niya ng sariling dinastiya na magbibigay daan para sa pagpasok niya sa Senado o di kaya sa Malacanang? 

Ang "KampanyaSerye" ay bahagi ng ABS-CBN Halalan 2013 na naglalayong mapalawak ang kaalaman ng mga mamamayan bago bumoto. Isang serye ang bubuksan linggo linggo sa "TV Patrol" kung saan bibigyang diin ang kuwento sa likod ng mga pangako at talumpati ng mga pulitikong nanliligaw sa boto ng sambayanan. Naisisiwalat din dito kung ano ang mga isyung mahalaga sa kanila at kung ano ba talaga ang kakayahan nilang bilang lider. 

Panoorin ang pinakabagong Kampanyaserye na "Pacquiao-an" simula Lunes (Feb 25) sa "TV Patrol."

No comments:

Post a Comment