Thursday, February 14, 2013

BAMBOO, IKALAWANG COACH NG ‘THE VOICE OF THE PHILIPPINES’

Ang Rock Superstar na si Bamboo ang ikalawang celebrity na uupo bilang coach sa pinakaabangang singing competition ng ABS-CBN na The Voice of the Philippines kung saan sasamahan niya ang una ng ipinakilalang coach na si Sarah Geronimo.

Gagabayan at ime-mentor ni Bamboo bilang coach ang mga contestant na mapapabilang sa kanyang team at hahasain ang kakayahan ng mga ito sa pag-awit nang sa gayo'y isa sa kanila ang manalo at tanghaling "The Voice of the Philippines."

Dating bokalista ng mga bandang Rivermaya at Bamboo at ngayo'y isa ng award-winning na solo artist, si Bamboo ay nakumbinseng gawin ang naturang proyekto dahil naniniwala siya na ito na ang panahon para ipasa niya ang kanyang kaalaman sa susunod na henerasyon ng mga music artist sa bansa.

"Handa na ako maging coach. May tamang oras lahat ng 'yan at naniniwala akong ito na 'yun," sabi ni Bamboo.

Nang tanungin kung anong uri ng music artist ang nais niyang i-coach, paliwanag niya "Matagal na akong nakikinig sa rock pero pinapakinggan ko lahat ng genres—from rock to pop to folk to everything. Naghahanap ako ng singer na bukas sa iba't ibang klaseng musika at willing makinig at matuto."

Sa tingin mo ba ikaw ay may boses na makakakuha sa atensyon ni Bamboo? May iba't-ibang paraan para mag-audition.

Mag-log on sa www.thevoice.abs-cbn.com at mag-audition online hanggang Pebrero 19 sa pamamagitan ng pag-upload ng inyong video na kumakanta ng a capella o tanging boses lang ang gagamitin at walang anumang saliw ng background music, minus one o instrumento. Ang mga sasali ay dapat Pilipino o may lahing Pilipino na nasa edad 16 pagpasok ng Hunyo 2013. Maari ring ipadala lang ang video link ng inyong performance na naka-upload sa video-sharing sites tulad ng YouTube at Vimeo basta ay sumusunod pa rin ito sa mga nabanggit na pamantayan.

May auditions din na gaganapin sa Bacolod, Iloilo, Tacloban, at Cebu sa Pebrero 23; General Santos, Zamboanga, Cagayan De Oro, at Davao sa Marso 2; and sa Palawan, Laoag, Naga, Legazpi, Baguio, Dagupan, at Maynila sa Marso 9.

Para sa karagdagang updates, i-like lang ang www.facebook.com/thevoiceabscbnsa Facebook o i-follow ang @thevoiceabscbn sa Twitter. Abangan ang The Voice of the Philippines sa pangunguna ng host na si Toni Gonzaga malapit na sa ABS-CBN.

No comments:

Post a Comment